Ate Vi, naniniwalang mahirap nang alisin sa sistema ang K-Drama
Mukhang tama ang sinasabi ni Ate Vi (Vilma Santos), bagama’t totoong ang kasikatan ng mga Korean drama ay nakakabawas sa pagkakataon ng mga artistang Pilipino, mukhang mahirap na ngang alisin iyan. Hindi lang sa serye eh, maging sa teritoryo mayroon nang sarili ang mga Koreano. Isipin ninyo, iyong Malate na dating tourists area, ay may karatula pa ngayon na nagsasabing iyon ay isa nang Korean Town.
Sa Angeles City, mayroon na ring Korean Town na ang mga restaurant, groceries, KTV at iba pang watering hole ay Korean ang motiff, at ang mga namamasyal na karamihan ay mga Koreano nga.
Magpunta ka sa Baguio, magugulat ka sa rami ng mga Koreano na residente na ng lungsod. Hindi malayong isang araw ay magkaroon na rin doon ng isang Korean town.
Samantalang ang mga Tsino, iisa lang ang Chinatown, diyan sa Binondo na talaga namang naging community na nila simula pa noong panahon ng Kastila.
Kung ganyan na katindi ang impluwensiya ng mga Koreano, maging sa pagkain, negosyo at pati na rin sa bisyo, papaano mong paaalisin iyong mga TV show lamang?
Hindi nga siguro dapat paalisin ang mga Korean series, pero tama naman na magkaroon ng regulation. Limitahan naman natin nang kaunti dahil nawawalan na ng trabaho ang mga local artist, manunulat, director at production crew na tiyak na libo-libo.
Kung hindi mo nga kasi ire-regulate iyan, magtatambakan dito ang mga Koreano. Ngayon, mukhang mas marami pang concerts dito sa atin na hindi naman natin maintindihan ang kanta kaysa sa local artists. Kasi rin naman ang mga Koreano ay mga bagets, ang mga singer na Pilipino na nagpipilit pa sa concerts ay “forgets” na.
Derek, nag-give way sa mga BAGUHAN
Si Derek Ramsay pala mismo ang humiling sa GMA 7 na i-terminate na ang kanyang contract sa kanila. Ang katuwiran ni Derek, gusto raw niyang mabigyan nang mas maraming panahon ang kanyang pamilya, ang asawang si Ellen Adarna, ang anak na si Austin at ang kanyang stepson na si Elias.
Dahil sa naging desisyong iyan ni Derek, mas nabigyan din niya nang higit na pagkakataon ang iba pang mga artista na umaasa rin ng trabaho.
Naintindihan din naman ng GMA si Derek, at siguro hindi naman nila ininda iyon dahil marami silang nare-recruit na mula naman sa dating ABS-CBN. Pati nga ang kontrobersiyal na sina Rhys Miguel at Patrick Quiroz halos sabay ring tumalon sa GMA. Pero siguro hindi naman sila pagsasamahin sa isang lock-in taping.
Nakakapanghinayang na mawala si Derek. Malakas kasi ang batak niya sa tao bukod sa magaling namang actor. Kung sa bagay ganyan din ang panghihinayang ng mga tao noon kay John Lloyd Cruz nang iwanan ang show business. Buti na lang nagbalik siya.
Kuya Germs, ‘di pabor sa paghuhubad noon
Ang madalas na sabihin noong araw ni Kuya Germs (German Moreno), “ang mga artista ay iginagawa ng damit na magaganda, binibihisan, hindi pinaghuhubad.”
Natatandaan pa naming may inalis siya noon sa That’s Entertainment nang maghubad sa pelikula.
Nakakalungkot ngayon na may mga dating alaga si Kuya Germs, babae man at lalaki na lumabas sa mga pelikulang hubaran. Kung buhay pa kaya si Kuya Germs ngayon mangyayari ang ganoon?
- Latest