Mylene Dizon, Lianne Valentin, makatakas pa kaya kay Raymond Bagatsing?

Ngayong Sabado (Oct. 22), samahan si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa huling yugto ng Baliw na Puso – ang special episode ng Tadhana para sa ika-limang anibersaryo ng programa.

Tampok sa nasabing episode sina Raymond Bagatsing, Vaness del Moral, Lianne Valentin, at Mylene Dizon. Umiikot ang three-part special sa kuwento ng mag-inang pinaghiwalay ng isang aksidente. Mapapanood rin dito sina Tart Carlos, Erlinda Villalobos at Simon Ibarra.

Sa wakas ay nakatakas na si Amy (Mylene) sa impyernong kinasasadlakan niya. Sa tulong ng caregiver na si Bianca (Lianne) ay naitakas si Amy bago pa maisagawa nina Dennis (Raymond) at Sharlene (Vaness) ang balak nilang lasunin siya.

Bukod dito ay natagpuan na rin ni Amy si Amelia, ang kanyang nawawalang anak na 20 taon na niyang hinahanap. Si Bianca pala na kanyang tagapag-alaga at si Amelia ay iisa!

Nakapagtago ang mag-ina at ginamit ni Bianca ang pagkakataon para maipagamot at mapatingnan sa espesyalista si Amy.

Babawiin ng mag-ina ang mga panahong ipinagkait sa kanila ng tadhana. At kasabay ng pagbuti ng kanyang kalagayan, ang tanging isinisigaw ng damdamin ni Amy ay hustisya.

Magiging tahimik at payapa na nga kaya ang kanilang buhay o malalagay muli sa pa­nganib ang buhay ng mag-ina?

Buong-puso naman ang pasasalamat ni Marian sa patuloy na pagsuporta ng viewers sa Tadhana.

Sa online, nananatili itong isa sa mga pinakasinusubaybayang local TV show.

Mapapanood ang finale ng anniversary special ng Tadhana ngayong Oct. 22, 3:15 p.m. sa GMA Network. May live streaming din ito sa GMA Public Affairs social media accounts.

Show comments