Bianca, umaasang makakamit ni Vhong ang hustisya

Para sa dalawa nilang anak...

Suportado ni Bianca Lapus ang dating asawang si Vhong Navarro sa kasong kinakaharap ng aktor.

Matatandaang kamakailan ay binuksang muli ang kasong acts of lasciviousness at rape na isinampa ni Deniece Cornejo noong 2014 laban sa aktor. “Meron kaming family group chat. And ever since naman, even few weeks ago ang motto namin, we will get through this as one family. ‘Yon naman ever since ang motto namin every time may problema,” bungad ni Bianca.

Dalawa ang naging anak ni Vhong sa dating aktres. Ayon kay Bianca ay naaapektuhan na rin ang kanilang mga anak na sina Isaiah at Frede­rick dahil sa sinapit ng aktor.

Kasalukuyang nakakulong ngayon si Vhong sa National Bureau of Investigation Detention Center sa Maynila. “Vhong is a loving father. He’s very close to the boys and it’s really hard for him. Very strong naman sila but of course, ako bilang nanay, deep inside alam ko na nahihirapan silang matulog. Nasa kumportableng kama sila, naka-aircon, maayos ang bahay na tinitirahan na ibinigay ng tatay nila, na habang ang nagbigay ng comfort na ‘yon ay hindi nakakaranas ng kumportableng pagtulog sa mga araw na ‘to. I know na they’re very worried and very scared of what’s gonna happen and we really don’t know what’s gonna happen,” pagtatapat ng dating asawa ni Vhong.

Umaasa naman si Bianca na mabibigyan ng hustisya ang kaso ni Vhong. “Of course we stand by Vhong. We know the truth will prevail and naniniwala talaga kami na walang kasalanan si Vhong,” giit niya.

Charlie, nanggulat sa bagong hairstyle

Kapansin-pansin ang bagong gupit na buhok ngayon ni Charlie Dizon.

Ayon sa aktres ay naisipan lamang niyang magpaikli ng buhok dahil sa kanyang nakita online. “No’ng nakita ko ito sa Pinterest, literal isang gabi ko lang siyang pinagdesisyunan. Nagpa-schedule agad ako sa salon. Nagulat ako, um-okay agad siya sa schedule eh di na-go ko na,” nakangiting kwento ni Charlie.

Matatandaang huling nagbida ang dalaga sa teleseryeng Viral Scandal.

Mahaba ang buhok ni Charlie sa nagtapos na serye. Matagal na raw gustong magpagupit ng aktres pero hindi niya ito nagawa dahil sa kanyang role sa proyekto. “Siyempre hindi pwede sa mga role, laging sa roles ko hindi pwede pa. So ginulat ko na lang ang lahat habang wala pa akong ginagawa. Pero kasi na-realize ko naman na pwede naman ang extension kung kailangan ng long hair. Pero mas na-feel ko na ito, talagang ito ‘yon, so ginawa ko na. Parents ko nagulat sila, bakit ko raw pinagupitan nang ganito. Okay naman, tanggap nila. Lahat naman sila nagandahan naman. ‘Yung iba kong mga tita nagulat din, niloko ko na lang na ‘Oh, bakit, ang ganda ko ‘di ba?’ Wala na lang silang nagawa,” natatawang pahayag ng aktres. (Reports from JCC)

Show comments