Kung hindi kami nagkakamali, huli naming napanood sa isang serye si Jennelyn Mercado, sa Philippine remake ng Descendants of the Sun. Maganda ang resulta noon sa ratings kahit na on the air pa ang kalaban nilang ABS-CBN. Dapat sana ay nasundan iyon ng serye na pagtatambalan nilang dalawa ni Xian Lim, pero minsan sa taping sumama ang pakiramdam ni Jen at lumabas na buntis na nga pala siya.
Hindi naman sinabing delikado ang pagbubuntis niya, pero pinili na rin nilang ingatan ang first baby nila ni Dennis Trillo, kaya nagdesisyon siyang magpahinga muna. Naunawaan naman iyon ng GMA, kaya pinahintulutan siyang magbakasyon hanggang sa makapanganak siya.Sa palagay nila matapos ang isang taon makakabalik na sa trabaho si Jen at itutuloy na nila ang serye. Pero matapos na isilang ni Jennelyn si Baby Dylan, hindi niya basta magawang iwanan ang anak lalo na’t babae nga iyon.
Isa pa, sabihin mo mang medyo maluwag na ngayon ang mga health restrictions, hindi maikakailang may covid pa rin at medyo takot pa rin si Jennelyn na maglalabas lalo’t siya mismo ang nag-aalaga sa kanyang anak. Kaya ang plano ngayon, baka raw next year na siya magbalik sa kanyang trabaho.
Ibig sabihin dalawang taon more or less ang kanyang bakasyon. Hindi maaapektuhan ang kanyang popularidad, dahil visible pa rin naman siya kahit na wala siyang ginagawang projects. Kailangan lang na mapanatili niya ang kanyang visibility kahit na sa social media lang.
Maraming Pinoy mas sikat pa sa mga foreigner na nagpupunta rito
Mga 2002, nang sumikat dito sa atin ang Taiwanese group na F4, o Forever Four, matapos na ipalabas sa telebisyon ang seryeng Meteor Garden. Mabilis na sumikat ang grupo, lalo na sina Jerry Yan at Vaness Wu. Pero walang masasabing bagong ipinakita maliban sa pogi nga sila at mukhang matinee idol.
Nangyari iyan noon dahil wala ngang bagong sikat na matinee idol na Pilipino, at iyong mga network naman ay sumusugal sa canned series mula sa Asya dahil ‘di hamak na mura ang puhunan noon kaysa sa mag-produce ka ng local series.
Ngayon sinasabing iyon namang mga artista sa Thailand na gumaya sa F4 ang siyang darayo sa Pilipinas para sa isang concert. Ang kakantahin nila, tiyak ay mga kantang napasikat nila sa Thailand, na hindi naman naiintindihan ng audience. Panonoorin lamang sila dahil sa performance nila at dahil pogi sila. Nauuna na kasi riyan iyong Bright Vachirawit, at si Win Metawin, na parehong pogi at sumikat din sa BL.
Wala naman kaming objections diyan pero bakit nga ba hindi tayo magpakilala ng mga artistang Pilipino. Ang dami naming nakikita na mas pogi pa sa mga iyan, kailangan nga lang sigurong sanayin nang kaunti at gastusan ang promo. Kasi kung hindi natin gagawin iyon, lagi na lang ba tayong aasa sa mga dayuhan na ang ibinabayad pa natin ay dolyar na lubhang kailangan din ng ating ekonomiya, samantalang may makukuha namang mga talents na mas pakikinabangan pa.