Oro, Plata, Mata, Himala, Dubai, at iba pang de-kalibreng pelikula noon, mapapanood sa Netflix
Ah buti naman at mapapanood na rin ang ilan pang restored classics ng ABS-CBN Film Restoration sa global streaming platform na Netflix.
Tampok ang ilang de-kalibreng pelikula sa drama, comedy, romance, horror, at iba pa.
Isa sa mga unang inilabas nito sa Netflix ay ang award-winning 1982 film na Oro, Plata, Mata sa direksyon ng batikang direk na namayapa na, si Peque Gallaga at panulat ni Jose Javier Reyes, na pinagbidahan noon nina Cherie Gil, Sandy Andolong, Liza Lorena, Ronnie Lazaro, at Joel Torre.
Bongga ang Sagip Pelikula na patuloy naghahatid ng iba’t ibang digitally restored classics sa naturang platform na hanggang sa katapusan pa ng taon.
Nakapila rin ilan pang natatanging obra tulad ng Himala ng National Artist na si Nora Aunor, at Markova: Comfort Gay ni Comedy King Dolphy.
Ipapalabas din ang ilang all-time romantic hits ng Star Cinema na nagpakilig at nagpaiyak sa mga manonood noon, tulad ng One More Chance, Now That I Have You, Dubai, at Hihintayin Kita Sa Langit.
Tampok din ang ilang pelikulang pang-comedy tulad ng Ang Cute Ng Ina Mo! at Sakal, Sakali, Saklolo, pati ang horror blockbuster noon na Feng Shui.
Lahat ng remastered titles na ito, mapapanood on-demand sa Netflix para sa mga subscriber sa Pilipinas at sa ibang bahagi ng Southeast Asia.
Maliban sa Netflix, patuloy pa rin na ipapalabas ang digitally restored classics sa KTX.ph na may kasamang special pre-show interviews.
Ipinagdiriwang ng Sagip Pelikula ang ika-11 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino.
Good news nito para naman mapanood ng kumbaga ng bagong generation ang mga pelikulang ito na malaman nila ang pagkakaiba ng mga kuwento ng pelikula noon at ngayon.
- Latest