Excited si Allan K sa nalalapit na pagbukas ng comedy bar niyang Clowns Republic. Ito pa rin ‘yung sa dating Klownz sa may Panay Avenue, Quezon City. Bago raw mag-Undas ay bubuksan nila ito at sa unang gabi nito ay makakasama niya ang karamihang Dabarkads ng Eat Bulaga.
Magpapamisa raw muna si Allan sa opening nito bilang pasasalamat at mabuksan na niya muli ang kanyang comedy bar. “Thanksgiving din, and we have to celebrate life. Ang daming nalagas ng COVID, pero dito tayo,” bulalas ng EB Dabarkad nang nakatsikahan namin sa DZRH nung nakaraang Miyerkules ng gabi.
“Gusto ko masayang-masaya. Parang fiesta. Parang Circus, parang ganun,” dagdag niyang pahayag.
Hindi nga raw niya akalaing mabubuksan niya muli, dahil halos lahat na mga comedy bars ay talagang tuluyan nang nagsara. “Nalungkot talaga ako nung nagsara ‘yung Klownz at Zirkoh e. Kasi ‘yun ‘yung buhay ko e. Alam n’yo ‘yan. Gabi-gabi n’yo talaga ako makikita dun.
“Saka ‘pag nalulungkot ako sa bahay, lalabas lang ako pupunta ako sa Klownz at Zirkoh, manonood lang ako sa mga bading ko dun. Tapos tatawa lang ako. Matutulog na ako nakangiti,” saad niya.
Nilinaw na rin ni AK na maingat lang daw sila sa kanilang Clowns Republic dahil nasa pandemic pa rin tayo. Ipa-practice pa rin daw ang social distancing, at kailangan naka-face mask pa rin daw ang customers at mga staff.
Ang performers daw ay kailangang dumaan muna sa Antigen test bago pumasok.
Hinding-hindi makakalimutan ni Allan K ang taong 2020 nung pumutok ang pandemya dahil sa sunud-sunod na hagupit ng tadhana sa kanya. “Malala ‘yung nangyari sa akin nung nagsimula ‘yung COVID nung 2020. Nung una muna nagsara ‘yung dalawa kong comedy bars. Siyempre, nalungkot talaga ako dahil ‘yun ang buhay ko for the past almost 20 years. Sa araw Eat Bulaga, sa gabi comedy bar.
“Tapos, na-COVID pa ako nung August na severe, as in muntik na talaga ako. Kaya lang, mahal yata talaga tayo ng Panginoong Diyos.
“Tapos, namatay ‘yung bunso kong kapatid nung May 2020. After two months, namatay naman ‘yung sister nung July. Tapos 2021, namatay naman ‘yung brother ko. Tatlong namatay sa pamilya na hindi ko sila nakita. Kasi pagkapatay, cremate agad e. ‘Yung mga burol bawal e.
“Talagang tinitibayan ko lang ang loob ko. Hindi ako nakakalimot mag-pray. Siguro ‘yung kapit ko sa Panginoon, ‘yun siguro. Kasi kung mahina-hina lang ako, bumigay na ako e. Mental health... tinamaan din ako dun, sa nangyari sa akin.
“Nung binuhay ako ni Lord, ano pa ba ang hindi ko kayang i-handle, ‘di ba?,” seryosong pahayag ni Allan K.
Patrick, sinugod ng bashers
Pinutakti ng panlalait, panghuhusga ang comment section ng Instagram account ni Patrick Quiroz.
Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang inilabas na statement kaugnay sa pasabog ng co-actor niya sa He’s Into Her na si Rhys Miguel.
Sinubukan naming humingi ng pahayag sa Cornerstone Entertainment na siyang nagha-handle sa kanya, pero wala silang sagot.
Samantala, pawang inspiring message naman ang mga komento sa IG account ni Rhys Miguel. May ilang nagsasabing naranasan din daw nila ang mapait na karanasang ‘yun, pero tahimik lamang sila.
Sinaluduhan nila si Rhys sa tapang nito na magsalita sa nangyari sa kanya.
Ang unang napabalita ay parehong nasa GMA 7 na ang dalawang aktor, pero nang inalam namin kay Atty. Annette Gozon-Valdes, nilinaw niyang hindi pa talaga hawak ng Sparkle si Rhys.
Under process pa raw, kaya technically, hindi pa siya under ng GMA Entertainment Center. Kaya wala silang ibibigay na statement kaugnay sa mainit na isyung ito.
Pero si Patrick naman ay semi-regular sa All-Out Sundays, at parang pina-partner nga raw ito kay Thea Astley ng The Clash.
Ang ABS-CBN Film Productions, Inc. na nag-produce ng He’s Into Her ang naglabas ng statement na iniimbestigahan daw nila insidenteng ‘yun na nangyari nung December 2020. “AFPI takes these matters seriously. The safety, dignity, and privacy of our people are our utmost priority,” bahagi ng kanilang pahayag.