Kung sa bansa ay Korean pop music ang kinababaliwan ng karamihan, nakapagtala naman ng songwriter at record producer na si Jonathan Manalo ng higit sa 1.4 billion streams sa Spotify kaya’t siya na nga ang most streamed Filipino songwriter and record producer of all time.
Masusundan pa ang tagumpay na ito sa paglunsad niya ng bagong bersyon ng kanyang mga awitin na binigyang-buhay ng OPM divas na sina Gigi De Lana, Jona, Kyla, Morissette, at Nina.
Ang Di Ko Kayang Limutin ni Kyla, How Can I ni Nina, Always on Time ni Jona, Patuloy Ang Pangarap ni Gigi, at Pagbigyang Muli ni Morissette ay bahagi ng The Music of Jonathan Manalo: 20 Years album.
Ipinagdiriwang ng bonggang album ang dalawang dekada ng paggawa ng musika ni Jonathan handog ang 20 tracks na siya mismo ang sumulat at nagprodyus. Bago ito, inilunsad na rin ang pito sa album tracks noong 2021 kasama ang Pinoy Tayo remake ni Rico Blanco.
Nakatakda na ring maganap ang Mr. Music: The Hits of Jonathan Manalo concert sa darating na Oktubre 15 (Sabado), 8 p.m. sa Newport Performing Arts Theater. Tampok dito ang greatest hits ng tinaguriang Mr. Music na aawitin ng mga natatanging OPM artists.
Si Jonathan na kasalukuyang creative director ng ABS-CBN Music ang naging grand winner sa JAM: Himig Handog sa Makabagong Kabataan songwriting competition noong 2001 para sa komposisyon niyang Tara Tena.
Mula noon, nakapagprodyus na siya ng higit sa 1,600 recordings, nagsulat ng higit sa 500 songs, at nagprodyus ng higit sa 200 albums. Ilan sa kanyang hits ang Ililigtas Ka Niya ni Gary Valenciano, Para Lang Sa’Yo ni Ice Seguerra, Paano Ba Ang Magmahal ni Piolo Pascual at Sarah Geronimo, at Patuloy Ang Pangarap ni Angeline Quinto.
Umani na rin ng higit sa 100 PARI gold at multi-plantinum certifications ang kanyang mga komposisyon at record productions.
At siya rin ang nasa likod ng albums ng mga tanyag na mang-aawit tulad nina Erik Santos, Kyla, Piolo Pascual, Juris, Jed Madela, KZ Tandingan, Inigo Pascual, Yeng Constantino, at Moira dela Torre.
Siya na ang maituturing na most awarded songwriter at record producer ng kanyang henerasyon na may higit sa 500 nominasyon at panalong natanggap. Kinilala rin siya bilang isa sa Ten Outstanding Music Artists ng nakaraang dekada ng National Commission for Culture and the Arts SUDI Awards noong 2021.