Ate Vi, hindi nakaugaliang maglakwatsa!
Isang magandang example ng mga artista si Vilma Santos. Kung iisipin ninyo ang naabot na niya sa buhay, naging mayor, governor,congresswoman, bukod pa nga sa kinikilalang napakahusay na aktres, pero hindi nagyabang si Ate Vi.
Hindi ipinagmamalaki ni Ate Vi iyong kanyang kinita bilang aktres, kasi sabi nga niya halos wala naman siyang kinita bilang public official dahil ang kinikita niya ginagastos din niya sa mga proyekto niyang kulang sa pondo. Hindi siya nagsasabing mayaman siya, mas madalas pa nga ang kuwento niya noong sumadsad siya dahil sa ilang maling desisyon sa negosyo noong araw.
Hindi mo rin maririnig si Ate Vi na nag-liliwaliw sa malls. “Iyan ang hindi mo ako pakikinabangan talaga. Minsan nagpunta ako sa mall. Ok naman noong una. Naka-cap ako tapos sunglasses. Pero hindi nagtagal nandiyan na ang mga tao. Nagpatulong kami sa security ng mall para makalabas. Doon sa Batangas, ok lang na pasukin ko ang malls, sanay ang mga tao doon na nakikita ako sa mga barangay, kaya hindi na sila nagkakagulo, pero hindi ko ugali iyon eh, which helped dahil noong mag-lockdown dahil sa COVID, wala akong na-miss.
“At hanggang ngayon naman ingat na ingat ako diyan sa COVID kaya bihira akong lumabas. Iyong mga damit ko kahit na noon, dinadala na lang sa akin. Kung may kailangan akong bilhin, nandiyan pa si Ate, o kaya si Carla. Happy na ako sa bahay kung hindi naman talaga kailangang lumabas,” pagkukuwento ni Ate Vi.
“Saka ako naman kasi, bata pa ako hindi na ako nakapaglakwatsa nang ganyan. Isa iyan sa mga sakripisyo dahil gusto kong maging artista eh. Iyong mga artista noon, hindi gaya ngayon na kahit na saan puwedeng magpunta,” sabi pa niya.
Serye ni Barbie, mas may katuturan
Noong isang gabi lang namin napanood iyong bagong serye ni Barbie Forteza. Nasakyan naman namin agad ang kuwento, iyon ay batay sa nobela ni Jose Rizal, pero si Barbie ay isang character na nagbalik lamang at nakapasok sa panahon ng Noli Me Tangere, kaya alam niya more or less kung ano ang mangyayaring kasunod, dahil nabasa niya ang libro. Nagsisilbi siyang bantay at tagapayo ng characters.
Cute ang character kaya hindi na kami naglilipat ng channel pagkatapos ng news.
Mukhang mas may katuturan naman ang serye ni Barbie kesa sa ibang palabas.
Showbiz personality na mayabang, lakas maka-doña buding
Ang character ni Doña Buding ay nilikha ni direk Joey Reyes noong araw pa, at binigyang buhay naman ni Nanette Inventor sa telebisyon. Inaabangan ng mga tao si Doña Buding para malaman kung ano naman ang kanyang ipagyayabang. Nagkaroon pa siya ng recording noon, at sumikat ang kanyang kantang “mayaman ako.”
Kahit na kung minsan, may halong panlalait ang mga patawa ni Doña Buding, matutuwa ka at matatawa ka. Nilikha lang ni Joey Reyes ang character, hindi totoong inspired iyan ng kung sino mang tao. Kung ngayon ginawa iyan, maaaring masabing inspired nga ng isang showbiz personality si Doña Buding. Mataba, mayabang at walang ipinagmamalaki kundi ang kanyang kayamanan.
Pero hindi rin daw totoo na kaya niya ginagawa iyon ay dahil gusto niyang i-revive ang character ni Doña Buding. Hindi naman niya kaya ang style at husay ni Nanette Inventor. Lalabas lang talaga na minsan “bruha” siya.
- Latest