Abala sa kanya-kanyang proyekto ang magkasintahang sina Miles Ocampo at Elijah Canlas. Araw-araw na napapanood ang aktres sa Eat Bulaga ng GMA 7 habang gabi-gabi namang sinusubaybayan ang binata sa Suntok sa Buwan ng TV5. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto raw makapagsulat ng script ng magkasintahan para sa isang magandang pelikula. “Gusto naming magsulat together. Dream naming magka-work ulit together na kung walang magbibigay sa amin, kami na lang gagawa for us,” bungad ni Miles.
Unang nagkatrabaho ang magkasintahan sa Paano Ang Pangako na serye ng TV5 noong 2020. Mahigit tatlong taong gulang ang agwat ng edad ni Miles sa baguhang aktor. Ayon kay dalaga ay hindi naman hadlang sa kanilang relasyon ang pagiging mas bata ni Elijah sa kanya. “If you know na you’re with the right person, susunod naman lahat eh. Ang sarap lang sa feeling na merong taong sinusuportahan ka sa lahat ng gagawin mo and tanggap ka kahit anong mangyari,” makahulugang paliwanag ng aktres.
Aminado si Miles na talagang napahanga siya sa nobyo dahil sa mga nagawang proyekto nito. “Idol ko ‘to. Kaya no’ng naging kami lalo akong na-pressure galingan sa mga gagawin ko. Kasi siyempre parang manonood siya, so galingan ko,” nakangiting pahayag ng dalaga.
Karina, wala pang karanasan sa paggamit ng dating app
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkatambal sina Karina Bautista at Gello Marquez para sa Love Bites episode ng One Post Away na mapapanood sa pamamagitan ng Made For YouTube. Matatandaang si Aljon Mendoza ang madalas na katambal ng aktres noon. Ayon kay Karina ay hindi naman naging mahirap na katrabaho at magkaroon ng chemistry sa pagitan nila ng dating Idol Philippines season 1 finalist. “First time ko ma-meet siya na outside ng ABS-CBN studio. We didn’t know each other talaga. So I was super scared na baka maging awkward, na baka hindi namin ma-play nang maganda ‘yung mga material na ibinigay sa amin. But in fairness nag-click kami and we really had a good time and think naging leeway pa ito sa aming friendship dahil nakapag-usap kami after the taping. We really enjoyed each other company. I’m really looking forward to working with Gello even more,” kwento ni Karina.
Tungkol sa pakikipagrelasyon na nagsisimula sa online connection ang tema ng bagong proyekto ng dalawa. Sa tunay na buhay ay hindi pa umano naranasan ni Karina na makipag-date sa isang lalaki na nakilala lamang gamit ang internet. “I haven’t tried using dating apps but I have nothing against it naman. I think I found a lot of friends in social media because of these apps. Nag-gain ako ng sobrang daming connections from all over the world and actually ‘pag nakaka-relate ako sa isang tao, mahilig naman ako mag-reply sa mga stories nila. And doon nagsisimula ‘yung mga conversations namin. It’s a really good conversation starter,” paglalahad ng dalaga. (Reports from JCC)