Kabilang ang pelikulang Mamasapano sa isinubmit kahapon para sa Metro Manila Film Festival 2022.
May natitira pang apat na slot para sa eight official entries sa MMFF this year.
Nauna nang naglabas ng trailer ang producer nitong si Atty. Ferdie Topacio.
Parang magiging controversial agad dahil mabigat ang dialogue ng isa sa mga sundalo na bida sa pelikula habang kinakausap ang gumaganap na si former Pres. Noynoy Aquino na ginampanan ni Jervic Cajirop.
Pero bukod sa movie version na produced ni Atty. Topacio, gagawa rin ng sariling version ng Mamasapano ang dating pulitiko at aktor na si ER Ejercito. “The more, the merrier. I think he has been planning that since 2015. ER is a good friend and I admire his movies, especially Boy Golden and El Presidente. It’s good for the local movie industry,” sagot ni Atty. Topacio sa isang Viber message.
Bida sina Paolo Gumabao at Rico Barrera sa Mamasapano na sinampahan ng kaso ng Special Action Force (SAF) at iba pang sangkot sa pelikula sa pagsusuot ng uniporme ng military.
Pero kahapon ay may update ang kontrobersyal na abogado. Dismissed na raw ang nasabing demanda. “Kasong “Illegal use of uniforms and insignia” na inihain ng SAF laban kina Paolo Gumabao at iba pang cast ng “MAMASAPANO”, ibinasura ng Taguig City Prosecutor,” sabi ng abogado na isa ring producer.
Nakasaad sa desisyon na : “There is no evidence to suggest that they wore those uniforms or insignias just to make those dancing videos.”
Ang pelikulang Mamasapano ay nagsasalaysay ng 44 na SAF troopers na nasawi sa naudlot na anti-terrorist operation sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.