Nakakapanlumo ang sitwasyon sa ating mga sinehan, dahil mahina na naman ang mga kasunod na local films na ipinalabas.
Nung nakaraang Miyerkules nagbukas ang pelikulang Always nina Kim Chiu at Xian Lim, pero ayon sa napagtanungan namin, halos naka-P800K lang daw ang first day gross.
Kasabay nitong nag-showing ang Sugat Sa Dugo ng Dragon Entertainment Productions, Inc. ni Bambbie Fuentes, at mas mababa pa dun ang kinita.
Kaya walang makapagsabi kung mababalik ba ang dating sigla sa mga sinehan, pagkatapos mag-hit ang Maid in Malacañang.
Kahapon ang deadline ng submission ng finished films para sa Metro Manila Film Festival, at inaasahang magagandang material ang na-submit.
Pero maibabalik kaya nito ang lakas sa takilya? Sana naman.
Napag-usapan nga namin ‘yan kahapon sa isang lunch sa executives ng Prime Video, at kabilang doon si direk Quark Henares.
Sinabi namin sa kanya na maaaring malaki ang epekto sa mga sinehan ng mga naglipanang streaming apps. Mas mura kasi at mas marami pang magagandang pelikulang panoorin sa streaming apps.
Sabi ni direk Quark, ‘wag naman daw sanang isisi sa streaming apps ang paghina ng mga pelikula sa mga sinehan. “Ako kasi, more than anything, director ako e. For me, parang sacred ‘yung cinematic experience,” pakli ni direk Quark.
Pero sa sitwasyon daw natin ngayon, kahit wala naman daw streaming, hindi pa rin daw ganun karami ang mga taong lumabas para manood sa mga sinehan.
“’Yun ang maganda sa Amazon, even before. Sila lang ‘yung only streaming na very supportive sa mga cinemas. Pinalalabas muna nila sa mga sinehan before going to streaming, kasi they knew na may value pa,” dagdag niyang pahayag.
Nakausap nga raw ni direk Quark ang ilang taga-FDCP, hindi lang naman daw sa Pilipinas mahina na ang mga sinehan, kundi pati sa ibang bansa.
Kagaya ng Italy, mahina na rin daw ang mga sinehan at halos 20 percent na lang daw ang mga natitirang sinehan. “Feeling ko even without the streaming, parang wala pa ring nanonood e. I don’t think it’s the fault of streaming apps,” saad ni direk Quark Henares.
Mayweather, nagpahintay ng anim na oras
Halos anim na oras kaming naghintay sa Okada Manila sa pagdating ng American boxing legend na si Floyd ‘Money’ Mayweather na endorser ngayon ng AQ Prime streaming app.
Nagtiyaga naman kaming naghintay at tama nga ang sinasabi ni RS Francisco na ibang-iba si Floyd sa ipinapakita niya tuwing may laban.
Malumanay magsalita at mapagkumbaba siyang humingi ng paumanhin sa mga dumalong media na nagtiyagang maghintay. “I want to apologize to the media and to all the people there. I was extremely late today. I was taking care some personal things back in the US. My family... you know we all love our family. Our family members and me myself, I love my family, my mother. So, I have to take care things back at home and they need my advice. I need to help them. They’re in 911. So, I just want to apologize to everyone in here for being late.”
Isa sa napag-usapan kay Floyd ay ang ginagawang documentary na ilalabas daw niya sa susunod na taon.
Posibleng mapapanood daw natin ito sa AQ Prime.
“Hopefully we’re able to put my documentary on their platform.”
“Everything that is behind the scenes, since 1996… 26 years ago everything that’s behind the scenes with family, with friends, my ups, my downs, things that you guys don’t get the chance to see on cable or pay per view. On this documentary, this gonna bring you closer to my life. You may got the chance to really really know Floyd Mayweather,” saad ni Mayweather.
Sinundan na rin namin ng tanong kung sa documentary niyang ito ay makilala at malalaman na ba namin ang tungkol sa kanyang lovelife.
“Everything is not for everybody. I’d like to keep certain things private. On my documentary, you may see few little things but most of my personal life I’d like to keep it you know, behind the scenes,” diretso niyang sagot.
Puring-puri ng mga taga-AQ Prime si Mayweather dahil wala raw itong arte at anong demands na hinihingi.
Masaya na raw siyang kumain ng Chicken Inasal at maglaro ng Black Jack.
Gustung-gusto raw ng naturang boxer ang Pilipinas.
“He’s one of the easiest person to talk to,” pakli ni RS Francisco, ang Creative Consultant at Business Head ng AQ Prime Entertainment.
“’Pag nakita mo sa social media, bad boy, maangas, ganyan, mayabang, antipatiko, presko.
“Pero ‘pag na-meet mo talaga siya, parang tayo-tayo lang nag-uusap. Napaka-simple.”