Lolong, kinumpirmang may season 2!
Nasa finale week na ang Lolong kaya tinutukan na talaga ito dahil lalong gumaganda ang takbo ng kuwento. Nung nakaraang Lunes ay naka-18 percent ito at nung Martes 17.7 percent.
Inaasahang mas tataas pa ito sa ending bukas.
Pero ngayon pa lang ay kinumpirma na nilang magkakaroon ito ng season 2, pero medyo matatagalan pa.
Inaayos pa lang nila ngayon ang takbo ng kuwento, kaya excited silang lahat sa magandang balitang ito.
Pero kapag pinag-uusapan ang Lolong, hindi talaga maiwasan ni Ruru Madrid na mag-emote dahil sa hirap na pinagdaanan nila sa project na ito.
Ani Ruru: “Nung sinu-shoot namin ang Lolong last year, I felt that was my worst year when it comes sa… parang that was my lowest in my life.
“Parang na-doubt ko ‘yung sarili ko. Pakiramdam ko, hindi ako deserving for this project or baka hindi matutuloy dahil sa mga aberyang nangyari. Pakiramdam ko, parang minamalas ako.
“Na-realize ko na may mga bagay na hindi mo dapat minamadali. Once na makuha mo siya, hindi mo siya dapat i-take for granted. Hindi mo hahayaang basta-bastang mawawala sa ‘yo. Mamahalin mo kung anong meron ka.
“We’re very thankful sa lahat na sumusuporta sa Lolong. Nakakatuwa na buong pamilya ang sumusuporta sa Lolong.
“Hindi po namin ini-expect na mamahalin mo ng ganito ang aming proyekto.
“Siyempre for us, gustung-gusto kong makapagbigay kami ng bagong programa. When it comes po sa season 2, sa ngayon ay masasabi po namin ay naghahanda na po ang Lolong para po diyan. Abangan n’yo ‘yan.”
Nilinaw na rin ng Executive Producer ng Lolong na si Mark Anthony Norella na hindi ganun kadali i-produce ang Lolong, kaya talagang paghahandaan pa raw nila ang season 2.
Kahit hanggang ngayon nga ay binubusisi pa nila ang graphics at effects, kaya matagal-tagal daw ang paghahanda nito. “ “With the overwhelming support po na na-experience namin sa season 1. Gusto rin namin siyang paghandaan dahil mabibigat po ang graphics kung mapapansin n’yo sa Lolong.
“Sobrang ang laki ng requirements ng graphics. So, mahirap na i-extend, hanggang diyan lang talaga siya,” saad ng EP na si Mark Anthony Norella.
Hipon girl, hirap pilian ng leading man
Kasadung-kasado na pala ang drama series na pagbibidahan ni Herlene Budol dahil kailangang makapag-start na siya ng taping bago maghanda sa kanyang laban sa Miss Planet International na gaganapin sa Uganda, Africa.
Ang pagkakaalam ko ay nakapag-script reading na sila, pero napag-alaman naming hanggang ngayon ay wala pa palang na-approve na leading man para sa kanya.
Dalawa kasi ang makakasama niyang aktor, at ang isa sa nakuha ay si Benjamin Alves. Pero ang isa pang ka-partner ay wala pa ring napili.
Nakakaloka! Sa rami ng mga aktor sa GMA 7, wala pa ring naaprubahan at naghahanap pa talaga sila ng swak sa role at bagay kay Herlene.
Dapat kasi matangkad din na bagay sa height ni Herlene, at kailangang kilalang-kilala para ang lakas ng dating kung kay Hipon Girl pa ipa-partner.
May ideya na kami sa kuwento at talagang ibinagay sa comedienne-beauty queen.
Samantala, hindi pa man nagsimula ay natsismis na itong project ni Herlene na tinanggihan daw ito ng unang direktor na napili.
Ang sabi raw, hindi raw type nung unang direktor si Herlene kaya ayaw niyang gawin.
Wala raw katotohanan ang ganung balita, sabi sa amin ng ilang napagtanungan namin.
Hindi lang daw pumuwede ‘yung unang direktor na napili dahil conflict pa sa kasalukuyan niyang ginagawa.
Kaya na-finalize na nilang si Jorron Monroy ang magdidirek nito.
Abangan na lang natin kung sino na talaga ang isa pang leading man ni Herlene.
- Latest