Kahit maiksi lang ang exposure ni Janice de Belen, lutang pa rin ang husay niya at masasabing wala talaga siyang kupas pagdating sa pag-arte.
’Yan ang pinatunayan ng aktes sa mga nanood ng HIV/AIDS advocacy film na Sugat sa Dugo (Wounded Blood) na nagkaroon ng successful red carpet premiere sa SM North EDSA The Block Cinema 3 kamakailan.
Deserve nga ni Janice ang best actress award mula sa 2021 International Film Festival Manhattan Autumn para sa short film version ng Sugat sa Dugo, maiden offering ng beauty guru na si Bambbi Fuentes at kaibigang Cristine Areola ng Bait Lehem House of Breads para sa Dragon Entertainment Productions.
Ginampanan niya ang isang inang nang-iwan sa mga anak (ginampanan ng mga baguhang sina Khai Flores, Christa Jocson at Mira Aquino) para sumama sa ibang lalaki. Pero ramdam na ramdam naman ang pagmamahal at pagsisisi nito nang magkasakit ang isa sa anak ng AIDS.
Iiyak at talagang mararamdaman mo ang bigat na kanyang pinagdaraanan.
Sigurado ring marami ang mata-touch sa eksena nina Janice at Khai sa ospital at sa chapel, nung malala na ang sakit ng anak nito.
Tama ang aktres sa pagsasabi na ang pelikulang Sugat sa Dugo ay isang paalala na hindi lamang Covid-19 ang dapat bantayan ng publiko kundi maging ang iba pang mga sakit gaya ng HIV/AIDS, dengue, atbp. na sa ngayon ay nababalewala dahil halos lahat ay nakatutok lamang sa pandemya.
Bukod kay Janice, mahusay ding ginampanan ni Sharmaine Arnaiz ang character niya bilang isang mamasang sa pelikula.
Maiksi rin lang ang role ni Sharmaine sa Sugat Sa Dugo pero ang galing niya.
First time niyang gumanap na mamasang.
Actually natawa nga siya dahil noong araw daw ang ginagampanan niya ay role ng mga dancer o pokpok, pero baliktad na ang mga pangyayari, siya na ang mamasang.
Marami siyang tinanggihang offer dahil sa takot sa COVID. Pero ‘di niya nahindian ang kaibigang si Bambbi.
Mula sa story at screenplay mismo ni Bambbi, ang passion project niyang Sugat sa Dugo ay idinirek ni Danni Ugali.
Kasama rin sa cast si Sharmaine Arnaiz at dalawa pang talents ng Dragon Talent Management na sina Shira Mae Tweg at Mosh Gerodias.
Mapapanood na ito sa mga piling sinehan simula ngayong Miyerkules, Sept. 28.