MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ng kampo ni Eraserheads vocalist Ely Buendia kung bakit pinayagan nilang sumali ang kontrobersyal na gitaristang si Marcus Adoro sa napipinto nilang December concert — ito sa gitna ng paratang na "binugbog" ng huli ang kanyang anak at dating partner.
Lunes nang magsalita uli sina Syd Hartha at Barbara Ruaro tungkol sa pang-aabusong dinanas daw sa kamay ni Adoro kasunod ng balitang magre-reunion concert ang '90s OPM icon. Pinasasalamatan din nila ang publikong hindi nakalilimot sa mga nangyari.
Related Stories
"One of Ely’s non-negotiable conditions prior to signing was precisely that Marcus resolve his issues otherwise Ely would not work with him," wika ni Diane Ventura, manager ni Buendia, sa panayam ng ANCX na inilathala, Miyerkules.
"This was promised by Marcus’ management which was why we even reconsidered."
Bagama't maraming natuwa sa pagbalik sa entablado ng isa sa pinakasikat na Pinoy rock band ng mga nakalipas na dekada, marami rin ang nadismaya sa katahimikan ng mga miyembro ng Eraserheads tungkol sa isyu ng kanilang kabanda.
Ang ilang netizens, pinararatangan pang "enabler" o kunsintidor ang nalalabing tatlong miyembro ng E-Heads.
Lunes lang nang magbigay ng kanyang palagay sa isyu ang kanilang drummer na si Raimund Marasigan at kung bakit hindi niya idinadaan ang pagsagot dito sa social media, ito habang umaasang maaayos ang gusot sa lahat ng panig.
"To call Ely an enabler is categorically false and absurd. We do not condone abuse that is absolute. We acknowledge the pain and suffering of the parties involved and we seek accountability," sabi pa ni Ventura.
"However, we will do what we can to encourage peace, resolution and will never get in the way of possible reconciliation or second chances between families. We are hoping for good to come out of this."
Matatandaang taong 2019 pa nang ikwento ni Syd na 'di umano'y inuumpog ni Marcus ang kanyang ulo sa pader sa tapat ng ibang tao. Ipinaskil din niya sa kanyang Facebook kung paano siya marahas na pagsalitaan ng kanyang ama.
Noong panahong ding iyon, i-pinost naman ni Ruaro ang ilang litrato ng kanyang mga pasa na siyang produkto raw ng domestic violence o pagmamaltrato ng taong kanyang minamahal.
Hulyo lang ngayong taon nang magparinig si Adoro na "nandiyan lang" ang posibilidad ng pagbabalik nila ng Eraserheads sa stage.
Noong buwan ding iyon noong kanyang i-launch ang NFT gallery ng Eraserheads.
Tuloy pa rin naman ang concert sa ika-22 ng Disyembre habang isinusulat ang balitang ito. Tahimik pa rin tungkol sa isyu ang bahista ng grupo na si Buddy Zabala hanggang sa ngayon.