'Sa wakas': Kat Alano nagdiwang matapos maaresto Vhong Navarro

Litrato ng aktres na si Kat Alano (kaliwa) at komedyanteng si Vhong Navarro (kanan)
Mula sa Facebook pages nina Kat Alano at Vhong Navarro

MANILA, Philippines — Tila nagbubunyi ngayon ang aktres na si Kat Alano matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa komedyanteng si Vhong Navarro — na matagal nang hinihinalang nasa likod ng panggagahasa sa kanya.

Lunes lang nang sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) si Vhong kaugnay ng reklamong  "acts of lasciviousness" na inihain ng modelong si Deniece Cornejo.

"I can finally feel peace today. God is good all the time. Justice, finally, after 17 years," wika ni Kat sa isang tweet kagabi.

Bagama't hindi direktang pinanapangalan, matagal nang pinasasaringan ni Alano si Navarro bilang kanyang "rapist."

Taong 2020 lang nang sabihin ni Kat na katunog ng salitang "wrong" ang pamosong celebrity na nagsamantala sa kanya. Aniya, ginamitan pa nga raw siya ng droga ng nabanggit at inabuso kahit naka-t-shirt at maong pa siya.

"'Yun nga ang nakakalungkot. Kasi for how many years, akala namin nina attorney tapos na. Patapos na. Kaya nagulat kami after ilang years, parang, ito uli. Nabuhay," wika ni Vhong sa panayam ng media.

"At parang ako pa 'yung nababaliktad... ako 'yung biktima. So parang ang hirap paniwalaan. So ako, mula noong 2014, inilahad ko 'yung lahat ng nangyari. Wala akong binago. Sinabi ko lahat. Alam ng Panginoon 'yon na nagsasabi ako ng totoo."

Tila sinagot naman ni Kat ang mga ebas ni Vhong, na na-bother lalo na't nagagamit pa raw ngayon ang Diyos para ipagtanggol ang sarili.

"Keep using God’s name to proclaim innocence. God saw you rape us. #rhymeswithwrong," dagdag pa niya.

Una nang sinabi ni NBI information division chief Nic Suarez na nakakulong pa rin sa NBI Manila ang aktor.

Kinumpirma na rin ito ng kanyang abogado na si Alma Mallonga. May kulang na lang daw silang ilang materyales ngunit tiyak daw na maghahain sila ng motion for reconsideration ngayong araw o bukas kaugnay ng kaso.

Matatatandaang Agosto nang maibalitang iniutos ng Court of Appeals na dapat nang kasuhan ng rape at acts of lascviousness si Navarro.

Show comments