Mailap si Jericho Rosales sa gustong mag-interview sa kanya sa 4th anniversary celebration ng Jenna Essence na ginanap sa Blueleaf Cosmopolitan sa Pasig City nung Linggo ng gabi.
Si Echo ang isa sa special guests na nagbigay ng entertainment sa naturang event.
Kasama niyang nag-perform doon sina Klarisse de Guzman at El Gamma Penumbra.
Ang lakas pa rin talaga ni Echo na parang nagpa-mini concert doon, na ikinatuwa ng may-ari ng naturang beauty products na si Jenna Reyes.
Ang buong akala nga namin nasa New York pa rin si Echo, pero nandito pala siya para sa isang pelikulang gagawin niya.
Pagkatapos niyang mag-perform, tumalilis na siya nang alis kaya nataranta na kami kung saan namin siya hahanapin.
Mabuti at nakita namin siyang nasa kotse na siya kaya sinugod na namin ito.
Kinumusta namin kung dito na ba siya uli, hindi raw dahil may gagawin nga siyang pelikulang hindi pa niya puwedeng sabihin.
“Piolo and I are going to the US. November, and we’ll be there a month or a month and a half maybe. And maybe holidays there, balik-balik din dito,” masayang sagot sa amin ni Jericho.
Sinundan na namin ng tanong kung kumusta na sila ng kanyang asawang si Kim.
“Good! Great! I think she’s going to Paris for Fashion Week,” magiliw pa niyang sagot.
Pero nang nag-segue na ako sa tanong kung totoo ba iyung tsismis na hiwalay na sila, napamulagat ito.
Nagtanong pa siya kung sino. Nang sinabi naming sila ni Kim, kung totoo ba iyung kumakalat na tsismis tungkol sa kanilang dalawa, ngumiti lang at sinabing; “All right guys! I love you. Thank you!”
Bago kami pinalayas ng kasama niya, tinanong pa rin namin ang posibilidad na paglipat sa ibang istasyon.
May offer ba sa kanya ang GMA 7 o ang AllTV?
“Greatly appreciated,” pakli niya.
“I just really wanna focus on film lang muna,” dagdag niyang pahayag.
Samantala, inspiring ang kuwento nitong si Jenna Reyes ng Jenna Essence na libu-libo na pala ang mga distributors niya.
Lumaki siya sa kanyang lola, at tumutulong siya sa pagtitinda ng sampaguita sa Quiapo. Nagsikap na makatapos ng pag-aaral na hindi na humingi ng tulong sa kanyang magulang dahil wala naman daw silang trabaho.
“Nasubukan ko pong magtinda sa Baclaran, sa Cariedo, nag-sales lady, nag-call center, nagtrabaho sa bar, tapos nag-OFW, tapos hanggang sa ngayon po na nagnegosyo na po ako,” kuwento niya.
Sa rami ng mga ginagawa niya, nakapagtapos siya ng kolehiyo na kung saan ay nag-graduate siya sa kursong Mass Communications major in Broadcasting sa Lyceum of the Philippines.
Ang apat na taong kursong ito ay natapos ni Jenna ng pitong taon dahil nakapagbabayad lang daw siya ng tuition kapag may pera siya. Kung wala, tigil na muna siya.
Nagtrabaho siya bilang singer at entertainer sa Singapore at Japan at doon nagsimula siyang magtinda ng mga beauty products at nang nabigyan ng chance, bumuo na siya ng sarili niyang brand, at ito na ang Jenna Essence.
Lalong lumakas pa ang negosyo nila nung nagsimula ang pandemya.
Kaya bilang pasasalamat, hindi raw talaga siya nakalimot na magparating ng tulong at mag-share ng blessings sa mga taga-Quiapo.
Kaya ang sabi ni Jenna sa mga nangangarap at umaasang maabot ang tagumpay na tinatamasa na niya ngayon; “Ang masasabi ko lang palagi, tulad nga po ng tagline ko, ‘lavarn! Iyun lang po talaga, lavarn, tapos dasal. Kasi basta mabuti yung puso mo, tapos marunong ka magdasal, tapos matigas ka lang, yung kahit problema ang danasin mo, sige breakdown ka ngayon, tapos bukas bumangon, tapos marunong ka na rin lumavarn!”