Hindi na muna magkakatambal sina Karina Bautista at Aljon Mendoza sa mga proyekto. Matatandaang unang tinangkilik ng mga tagahanga ang tambalang KarJon sa Pinoy Big Brother: Otso edition noong 2019. Ngayon ay magbibida si Aljon kasama sina Jayda Avanzado at Markus Paterson sa Teen Clash. “Isa siyang Wattpad adaptation, so coming soon. Hindi ko naman masasabi na solo artist ako. Happy ako kasi nakakapag-explore ako with different people na katrabaho ko. Happy rin ako for Karina kasi nakakatrabaho niya ang iba’t ibang tao rin. Pero supportive naman kami sa isa’t isa kung ano ang mga gagawin namin and sa mga achievements namin,” nakangiting pahayag ni Aljon.
Kahit may kanya-kanya ng proyekto ay patuloy pa ring sinusuportahan ng kanilang mga tagahanga sina Karina at Jon.
Excited na rin ang binata sa mga bagong makakatrabaho sa naturang iWantTFC series. “Excited ako kasi bagong experience ito sa akin. And si Jayda sobrang bait niya and feeling ko mag-jive kami together ni Markus. Wala naman akong nabasa na hate comments so far. Pero nag-message ako doon sa head admin ng fans club namin ni Karina. So kinomfort ko and nag-thank you pa rin ako and ayun sabi ko, ‘Sana maintindihan n’yo. It’s all for my dreams and thank you.’ Kasi hindi naman magsasara ang pintuan. Marami lang possibilities sa ngayon and maraming salamat pa rin sa suporta,” paglalahad ng aktor.
Sinisiguro ni Aljon sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanila ni Karina na walang magbabago sa kanilang samahan. Ayon sa aktor ay mayroon pa rin silang komunikasyon ng dalaga. “Okay kami, we’re super okay. Noong nag-birthday ako, nag-message siya and support kung ano man ang mangyari. And ako rin nag-greet rin noong birthday niya,” pagtatapos ng binata.
JC, na-toxic sa ex-gf na selosa
Masayang-masaya si JC Alcantara dahil tuluy-tuloy sa paggawa ng iba’t ibang proyekto.
Noong nagbabalak pa lamang na pasukin ang show business ay hindi raw pabor sa kanyang pangarap ang dating kasintahan ng aktor. “Mas mabuti na hindi kami tumuloy sa gano’n kasi sobrang toxic na hindi ko makuha ‘yung pangarap ko. Gusto ko ‘yung sinusuportahan ako sa pangarap ko. Suportahan kami,” pagtatapat ni JC.
Masyadong selosa ang kasintahan noon ng binata kaya hindi suportado ang planong pagsabak sa pagiging artista.
“Ayaw niyang mapunta ako sa pangarap ko like mag-artista before. Hindi niya gusto ‘yon kasi marami raw siyang magiging kaagaw sa ‘kin. Hindi pa ako nagso-showbiz no’n,” nakangiting kwento aktor. (Reports from JCC)