Hindi na nagulat si Janice de Belen nang inintrigang nabuntis daw ang anak niyang si Inah de Belen.
Sa kalagitnaan ng pandemya kumalat ang tsismis na ito, pero hindi ito naging malaking isyu dahil hindi naman pinatulan ng kampo ni Inah.
Ngayon lang namin nakatsikahan si Janice dahil sa promo ng pelikulang Sugat sa Dugo na magsu-showing sa ilang sinehan sa Sept. 28.
Kaya itinanong namin ito sa kanya, kung aware ba siya sa tsismis na ito. “Ako rin naman natsismis dati na nabuntis, bago ako nagbuntis ‘di ba?,” bulalas ni Janice nang nakatsikahan namin sa pocket presscon nitong pelikulang Sugat sa Dugo.
Hindi naman daw niya nakitang lumaki ang tiyan ni Inah, at wala naman daw siyang nakitang baby.
Lalo na raw ngayong nasa panahon na ng social media, mahirap daw itago itong pagbubuntis.
“Kung magbuntis man siya ngayon, she’s 30. She’s at that age… whatever choices she makes, kanya na ‘yun,” pakli ng aktres.
Wala raw siyang karapatang i-judge ang anak niya kung sakaling mabuntis ito dahil siya nga ay nabuntis sa edad na 18. Magiging judgmental pa raw ba siya?
“Basta kaya niyang panindigan. Again, babalik ako sa hope and pray that I raised my child right.
“I cannot be quick to judge. Kasi, 18 po buntis ako wala naman akong asawa ‘di ba? Tapos, nahiwalay pa ako. Nagbuntis uli ako. Talaga? Ako pa ba ang magiging judgmental sa ganyan ‘di ba?
“Kung magbuntis man siya ngayon, trenta na siya, 18 lang ako,” diretsong pahayag ni Janice.
Okay naman daw si Inah sa relasyon nito kay Jake Vargas.
Desisyon naman daw ito ng anak niya, at hindi raw niya puwedeng diktahan o pakialaman ang buhay ng kanyang anak sa edad nito.
Masaya na si Janice sa kanyang mga anak na lalo niyang naka-bonding nung pumutok ang pandemya.
Pinupuri niya ang panganay niyang anak na si Luigi na isang chef, dahil maganda ang restaurant business nito at mabuting asawa at ama raw ito sa kanyang pamilya.
Michelle Aldana, ‘di tumanda ang hitsura
Hindi na kilala ng mga millennial at nasa Gen Z ang dating beauty queen at magaling na aktres na si Michelle Aldana.
Nagulat kami sa nakaraang mediacon ng bagong afternoon drama na Nakarehas na Puso na kasali pala ito.
Ilang taon siyang nawala dahil may sarili na itong pamilya at nanirahan sa South Africa. Ngayon napapayag siyang bumalik sa pag-arte.
Parang walang nabago kay Michelle. Maganda pa rin at hindi tumanda.
Kaya isa ito sa aabangan sa Nakarehas na Puso tampok sina Jean Garcia, Edgar Allan Guzman, Claire Castro, Leandro Baldemor at Vaness del Moral.
Siyempre, hindi na kilala ni Michelle ang karamihang mga artistang makakatrabaho niya, at lalong hindi naman siya kilala ng mga kabataang artista
Pero hindi raw siya nahirapang mag-adjust dahil mababait daw lahat ng co-actors niya at naging kampante siya agad.
“Nakakatuwa. Nung first day ko nang na-meet ko sila… kasi wala na nga akong kilala masyadong artista. Wala kasing Filipino television sa South Africa. So, nung unang I met them, ako ‘yung sasabihin ko, “hello, what’s your name? Siyempre, hindi mo kilala,” bulalas ni Michelle.
Napabilib daw siya sa mga kabataang artistang nakatrabaho niya dahil magagaling silang umarte at napaka-professional daw katrabaho. “Ang dami kong nakilala at natutuwa ako kasi itong mga batang ito, ang gagaling na.
“Nakakatuwa, lalo na si Vaness naku! Parang sabi ko nga, ano ba ‘tong mga batang ‘to. Parang lahat ba sila nanggaling sa stage at napakahuhusay nilang umarte. At saka hindi lang ‘yun, they’re so respectful, lagi silang nasa time, walang mga pasaway. At saka, lalo na ‘yung mga maliliit na bata, hindi natin sila kasama rito. ‘Pag naririnig ko sila sa kabilang tent, ‘yung tawanan nila, tapos ang gaang-gaan nilang katrabaho. So ‘yun, ang saya. Parang nakikita ko na rin ang mga anak ko ‘pag nakikita ko sila,” dagdag niyang pahayag.
May pagkakontrabida ang role ni Michelle sa serye bilang si Doris.
Sa Sept. 26 na magsisimula ang Nakarehas na Puso na papalit sa matatapos nang The Fake Life.