Malayung-malayo sa Maid in Malacañang ang box-office result ng pelikulang Expensive Candy ng Viva Films.
Ang ganda na sana ng pagsisimula ng mga pelikula ng Viva sa mga sinehan, dahil talaga namang sinuportahan nang husto ang pelikula ni Sen. Imee Marcos.
Ang dami nilang block screening kaya nakabawi, at kahit nga ang katapat nitong Katips ay okay din ang resulta dahil sa mga nabiling block screenings.
Sana ganito rin ang suporta ng fans ni Julia Barretto at pati kay Carlo Aquino. Pero hindi ito nangyari dahil nakakalungkot ang resulta nito sa takilya.
Ayon sa napagtanungan naming reliable source, halos naka-1.2M lang daw ang first day gross nito at bahagyang bumaba nung second day na naka-1.050M lamang ito.
Wala itong nakasabay na malaking foreign film, at hindi rin daw ganun kalakas. Sayang at suweldo pa naman!
Wala pa kaming nakuhang feedback tungkol sa Expensive Candy. Pero baka maganda naman dahil Jason Paul Laxamana ang direktor nito.
Ibang-iba nga rito si Julia, at ang lakas din ng dating ni Carlo. Kaya sana makabawi-bawi naman sila ngayong weekend.
Sen. Bong, dumaan sa tatlong operasyon
Nagsimula nang mag-celebrate si Sen. Bong Revilla ng kanyang 56th birthday. Nag-ikot siya sa Bacoor kahapon na kung saan may medical mission siya at bloodletting program sa may Strike Gym sa Bacoor City Hall.
Unang nakatsikahan namin doon ang maybahay niyang si Cong. Lani Mercado-Revilla at isa lang ang tanging hiling niya sa kaarawan ni Sen. Bong na maging okay ang kalusugan nito. “Bale thanksgiving na rin ito sa amin, dahil kung nalalaman ninyo August pa lang, merong karamdaman ang aking cute na asawa. Actually, July pa lang may mga nararamdaman siya. He underwent three operations at ito’y thanksgiving at giving forward,” pahayag ni Cong. Lani.
Hindi lang nila naidetalye kung ano ang mga sakit na pinagdaanan ni Sen. Bong. Pero nagkaroon daw siya ng problema sa kidney, pina-shockwave ‘yung gallstones, at pati ang cataract sa mata niya ay pinaopera niya.
Ang isa sa mga dahilan kaya siya nagkasakit dahil sa sobrang pagbubuhat sa workout. Hindi rin daw maganda ‘yun, kaya pinagpahinga daw muna siya ng doktor sa pagdyi-gym. “At least, I’m doing okay now. Maraming mga kumbaga pinagdaanan, pero at least I’m okay. I’m trying to recover na. Sabi ng doktor, puwede na akong magbuhat. Kaya medyo tumaba nga ako ng konti e.
“It doesn’t mean na ‘pag ikaw ay todong fit, you’re okay. Kailangan pa rin ng checkup regularly. Kaya ‘yun ay gusto ko ring ma-share sa mga kababayan natin na it doesn’t mean you’re super fit, pero dapat tingnan mo pa rin ang health mo,” saad ni Sen. Bong.
Dahil naging fit siya, in-allow siyang mag-donate ng dugo kahapon, bilang bahagi sa kanyang programang Dugong Alay, Pandugtong Buhay.
Mahigit 400 ml na dugo ang nakuha sa kanya, at natutuwa siya dahil nakaya pa rin niya, at nakapag-share siya ng sarili niyang dugo.
Makakatulong daw ito sa mga pasyenteng nangailangan ng dugo, lalo na’t nauuso ngayon ang Dengue. “Sarap ng pakiramdam, dahil ang sabi nga raw ang isang bag na ganyan, makapag-save tayo ng tatlong buhay,” pakli ni Sen. Bong.
Sa mismong kaarawan niya sa Sept. 25 ay muling mamimigay ng papremyo si Sen. Bong sa kanyang followers sa Facebook.
Hindi na Agimat ang gamit niya ngayon sa kanyang pamimigay ng premyo kundi Alyas Pogi na. Kaya tinanong na namin kung ang remake ba o mala-Alyas Pogi ang gagawin na niyang pelikula.
“Basta magkakaroon kami ng Alyas Pogi. Abangan ‘nyo na lang,” napapangiting pakli ni Sen. Bong.
Ito naman daw talaga ang isa sa gusto nilang simulan, ang pagbangon muli ng ating movie industry. “Kailangan ituloy ulit ng pamilya ‘yung Imus Productions. Unti-unti namang pumi-pick up ang movie industry e. Inaayos na namin ‘yung movie. Kasi iba pa rin ‘yung experience kapag nasa sinehan ka,” pakli niya.
Naniniwala siyang susuportahan ng administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos ang ating entertainment industry dahil ipinangako naman daw niya ito sa kanyang SONA.
“Napakaswerte ng industriya natin ano, dahil we have…nandiyan si Robin Padilla, nandiyan si Lito Lapid, nandiyan ako, nandiyan si Jinggoy Estrada, nandiyan ang kapatid ng ating pangulo si Imee Marcos na she’s very supportive sa movie industry.
“Binanggit naman ng Pangulo ‘yan, hindi niya pababayaan ang industriya natin. Unti-unti tayong babangon.
“We’re not going to allow na ganyan lang tayo, na nasa baba lang ang industriya. Sayang ang ating movie industry, even the television.
“I think the network, kailangan ding mag-improve sila. Huwag silang… porke’t walang kalaban hindi mo pagagandahin ang proyekto mo. Dapat ‘yung standard… dapat ‘yung proyekto natin magaganda,” saad ni Sen. Bong.