Aminado si AMBS (Advanced Media Broadcasting System) President Maribeth Tolentino na kung papatulan nilang lahat ang mga nagpaparamdam na artista sa pagbubukas ng ALLTV, baka ang dami na nilang artista ngayon.
Pero lahat aniya ng anggulo ay tinitingnan nila lalo na ang mga legality nito particularly sa mga kontrata ng ibang artista.
Bagama’t ang sure na kinakausap na nila ay sina Luis Manzano and Karla Estrada. May nagaganap ding pakikipag-usap kina Korina Sanchez, Julia Barretto and Ruffa Gutierrez. Pero wala pa talaga aniyang definite.
Sinabi rin ni Ms. Tolentino na by January 2023 pa sila magfu-full blast at inamin din niyang medyo marami pa silang nakitang kailangang ayusin pagkatapos ng kanilang soft launch noong isang araw.
Ang importante lang naman daw talaga sa kanila ngayon ay malaman ng lahat na on air na ang ALLTV ng AMBS at mapapanood sa buong Pilipinas.
Nabanggit pa si Ms. Tolentino na grabe raw ang kaba nila sa nasabing soft launch. Lahat daw kabado kung eere ba sila.
Kaya’t nang matapos ang airing, gusto lang nilang matulog.
Last July lang sila nag-umpisang maghanda para sa ALLTV dahil kailangan pa nilang hintayin ang resulta ng election.
Nabanggit din ni Ms. Maribeth na maraming technical people from ABS-CBN ang nabigyan nila ng trabaho.
Matagal din daw ang proseso ng collaboration pero pakonti-konti ay naaayos na.
Pero ang isang na-realize niya ay mahirap gumawa ng teleserye pero may negosyon na sila na bibili sila ng content sa ABS-CBN.
Yup, business nga raw ito kaya walang problema sa bentahan ng mga teleserye ng ABS-CBN sa kanila. Kaya’t sinabi nitong mapapanood ang ibang teleserye ng Kapamilya channel sa ALLTV.