Mabigat para kay female celebrity ang pinagdaanan niya nang magkahiwalay sila ng kanyang karelasyon.
Tuloy ang trabaho niya, pero halos lahat ay inire-relate niya sa kanyang pinagdaanan.
Makarinig lang ng hugot song, naiiyak na ito. May magkuwento lang ng kagaya ng pinagdaanan niya, crayola na naman.
Siguro nga malambot ang puso, masyadong sensitive, ang dali niyang nadadala, ang daling mahulog ang loob sa mga taong malapit sa kanya.
Kaya siguro nahulog ang loob nitong female celebrity sa isang male celebrity dahil napakabait sa kanya, at na-develop ito.
Hindi pa ganun katagal na nakipaghiwalay sa unang karelasyon, na-fall agad sa panibago. Kaya hindi alam ng karamihan, nakipagrelasyon na ito sa isang male celebrity.
Pero hindi rin nagtagal, nagkahiwalay rin. Ewan ko kung rebound relationship na matatawag, pero pumasok itong si male celebrity sa buhay ni female celebrity na mahina pa ang puso niya dahil sa nangyaring hiwalayan.
Zephanie, kabado pa rin ‘pag sumasampa sa stage
Walang maireklamo ang This Generation’s Pop Princess na si Zephanie sa pagiging Kapuso niya.
Sa loob ng anim na buwan, natutuwa siya sa magandang exposure niya sa All-Out Sundays.
Napakabait pa raw sa kanya ng mga kasamahan niya sa naturang musical-variety show kaya naging kampante siya agad.
Hinding-hindi niya makakalimutan ang magandang pakikitungo sa kanya ng mga Ka-AyOS niya kagaya nina Rayver Cruz at Christian Bautista. “Ilan po sa mababanggit ko talaga na sobrang bait po sa akin na feeling ko kuya, ate ko po sila, isa po dun si Kuya Rayver. Every time na nagkikita kami, talagang nag-apir siya o fist bump. And may times na nagkakaroon po kami ng talks about our lives, careers.
“Si Kuya Christian din po. Actually, lahat po sila talagang very kind and generous po pagdating po sa wisdom na mabibigay nila sa akin, na makakatulong po sa career ko,” pahayag ni Zephanie nang nakatsikahan namin sa Cornerstone studio nung nakaraang Lunes.
Pati sina Julie Anne San Jose na nakakasama niya sa biritan sa Queendom ay napaka-accommodating daw. Kaya lalong dumami ang mga kaibigan niya.
Aminado lang siya na tuwing nakasampa siya sa stage kasama sina Julie Anne, Aicelle Santos at iba pang magagaling na Kapuso singers, hindi pa rin daw maalis sa kanya ang sobrang kaba. “Isa po sa mga bagay na hindi po mawawala sa akin kapag nasa stage ako, is ‘yung pressure po and ‘yung kaba.
“Kahit po it’s been three years po na kumakanta po ako, mostly po nung time na ‘yun nasa pandemic po. So, talagang behind our phones or behind our gadgets, talagang iba pa rin po ‘yung kaba kapag nagpi-perform po ako,” sabi pa ni Zephanie.
Bukas din ang 19-year-old singer sa posibilidad na umarte sa ibang drama series ng GMA 7. “So far po ngayon wala pa namang nai-offer na maging part po ako ng teleserye. Pero I’m really open po. And siyempre, naniniwala po ako na marami pa po akong kailangan matutunan pagdating sa pag-acting,” saad ni Zephanie.
Si Zephanie ang kumanta ng theme song ng bagong romance series na Luv Is: Caught In His Arms na collaboration niya sa P-pop boy group na VXON.
Siya rin ang kumanta ng theme song ng Bolera at ang awiting Tunay na Minamahal na theme song ng katatapos lang na hit series na Apoy sa Langit.