Sinubukan ng anak ng isang kilalang showbiz couple na pasukin ang pag-aartista at nakagawa pala ito ng dalawang pelikula.
Pero pagkatapos nito ay ayaw na niyang ituloy ang pag-aartista.
Mas magku-concentrate na lang daw siya sa pag-aaral dahil nakikita niyang hindi niya linya ang showbiz.
Naloloka lang itong anak ng kilalang showbiz couple dahil ang ibang batang artistang nakatrabaho niya ay parang maligalig na hindi naka-focus sa trabaho.
Itong anak ng kilalang showbiz couple ay talagang naka-focus sa trabaho, kabisado ang buong script.
Napahiya ang isang young actor nang nakaeksena nito ang anak ng showbiz couple dahil nasa gitna ng eksena, kinorek siya nito.
Sabi ng anak ng kilalang showbiz couple, hindi ganun ang linya niya kaya hindi niya maibato ang kanyang dialogue.
Tinuruan pa itong si young actor kung ano ang dapat sabihin dahil hindi pala nito pinag-aralan ang script. Naloka ang mga nasa production dahil kabisado nitong si anak ng showbiz ang buong script.
Janice, sinopla ang young star na may cellphone habang nagti-take
Iba talaga ang disiplina ng mga artista noon kung ikumpara sa mga kabataang artista ngayon.
Isa ‘yan sa naobserbahan ni Janice de Belen na nakakatrabaho ng mga artistang ito.
Nakuwento sa amin ni Janice na hindi umubra ang attitude nitong young star na nakatrabaho niya sa isang teleserye. “’Pag um-attitude sila, attitude din ako,” bulalas ni Janice nang nakatsikahan namin sa pocket presscon ng pelikulang Sugat sa Dugo na maiden offering ng Dragon Entertainment Productions, Inc. ni Bambbi Fuentes.
Ayaw lang sabihin ni Janice kung young actor o young actress na bida sa teleseryeng ginawa niya.
Hindi naman daw siya ang tipong nagtataray sa set. Maayos naman daw niya kinakausap ang artista.
“Ako, para sa akin, ang hate na hate ko, ang super pet peeve ko, ‘pag nag-eeksena tayo, huwag mong ilagay ang telepono sa bulsa mo.
“Huwag na huwag. Kasi nakakaapekto ‘yan e. Kasi nasa bulsa mo yan, kasi may hinihintay ka ‘di ba?
“May hinihintay kang text, may hinihintay kang tawag,” saad ni Janice.
“’Pag nag-eeksena tayo, at ‘pag ‘yan nag-vibrate… kahit vibrate, makikita ko e. Makikita, mararamdaman ko na madi-distract ka ng 2 seconds. Kasi, siyempre nag-vibrate mararamdaman mo, makikita ko ‘yan e. Maapektuhan ang pag-arte mo, maapektuhan din ako.
“Sinabihan ko talaga na... kasi sabi sa akin, okay lang po naka-silent naman. Sabi ko, ‘hindi. Hindi, okay naman e. ‘Hindi, sabi ko sa kanya.’
“Hanggang sa umabot sa point na sinabi ko na hindi ko iti-take ang eksena na ‘to hangga’t hindi mo tinatanggal ‘yung phone sa bulsa mo,” dagdag niyang pahayag.
Kaya nagpasalamat pa raw sa kanya ang kanilang director dahil ginawa ‘yun ni Janice.
Isa lamang ‘yun sa pagdisiplina ng senior stars sa mga kabataang artista ngayon.
Samantala, sa pelikulang Sugat sa Dugo ay pawang mga baguhang artista ang mga kasama niya na sina Khai Flores, Mira Aquino, Shira Tweg, at may special participation din si Sharmaine Arnaiz, sa ilalim ng direksyon ni Danni Ugali.
Maayos naman daw sila sabi ni Janice, at mukhang disiplinado sila ng manager nilang si Bambbi Fuentes.
Mapapanood na itong Sugat sa Dugo sa mga sinehan sa Sept. 28, at may premiere night sila sa Sept. 22.