Dalawang Kapamilya aktor nagparamdam sa GMA, Matteo nahihirapang mamili ng programa!
Nakikiramdam pala itong dalawang Kapamilya actor kung iri-renew ng kanilang network ang kontrata nila o hindi.
Wala pa kasing balita kung meron silang gagawin sa Kapamilya channel.
Posibleng wala nang renewal dahil parang walang balita kung naka-line up ba sila sa mga susunod na projects na gagawin.
Kaya meron na raw nagpaparating sa GMA 7 kung interesado ba sila sa dalawang aktor na ito.
Si Actor A ay nagka-show na dati sa GMA 7. Si Actor B naman ay talagang homegrown ng ABS-CBN 2 na galing sa kanilang reality search, pero tila hindi siya ganun ka-visible.
Ayon sa aming source, mukhang interesado naman daw ang mga boss ng Kapuso network, pero wala pa namang pag-uusap.
Malalaman din naman daw bago matapos ang taong ito, at kung matuloy ang paglipat, definitely next year na sila magsisimula.
Ang dami nang naka-line up na shows sa GMA 7 for next year, at puwede naman talaga sila.
Kung nakahabol sana sila ngayon para sa gagawing drama series ni Herlene Budol, bagay naman silang maging leading man nito.
Ang narinig kasi namin, wala pa ring napipiling leading man para kay Herlene. Pero kailangang simulan daw nila ang taping nito sa susunod na buwan.
Samantala, wala pa rin palang napa-finalize kung ano ang project na ibibigay para kay Matteo Guidicelli.
Ewan ko kung totoo ang nakarating sa aming, matagal daw siyang mag-decide kung okay ang project na inaalok sa kanya.
So far, umokay raw siyang mag-host sa isang bagong show na gagawin ng News and Public Affairs.
Ang isa pang inaayos ayon sa aming source ay isang drama series na collaboration daw ng Viva Entertainment, Inc. at ng GMA 7.
Si Marco Gumabao daw ang artistang ibibigay nila, pero ipinakiusap sa aming huwag munang isulat kung sinong Kapuso artist ang makakasama nito.
Isa rin ‘yan sa aabangan natin.
Budol, magta-tagalog sa paglaban sa Miss Planet
Kung matutuloy ang taping ni Herlene Budol sa bagong drama series ng GMA 7 para sa kanya, kailangan din niyang tumigil bago mag-November dahil kailangan niyang paghandaan ang pagsali niya sa Miss Planet International na gagawin sa Uganda, Africa sa Nov. 19.
Natitiyak niyang hindi magpapatalo ang manager niyang si Wilbert Tolentino sa costume na ipapasuot sa kanya.
Pero ang isa pang sure siya ay magta-Tagalog daw siya sa question and answer portion.
“Opo, magta-Tagalog po talaga ako. Hindi nga ako nagkukunwari. Totoo nga ito!” bulalas ni Herlene sa launching nito ng bagong endorsement niyang Rejuviant na Premium Cocoberry Body Wash at Cocoberry Instaglow Lotion.
“Hindi talaga ako marunong mag-English na isang straight-an. Ganito lang, mga ano lang, para ka lang hipon. Pisu-piso lang.”
Nagsisimula pa lang daw siya ng preparasyon sa naturang kumpetisyon.
Isa na roon ay pagda-diet.
“Diet po ‘yung kalaban ko talaga! Nakakapraning pala ‘pag puro ka diet. ‘Di ba, buto’t balat ka na, may ikaka-diet ka pa ba nito?!
“’Yun ‘yung kalaban ko talaga! Kasi, nakakapanghina, nakakapraning, nakakaluto ng utak!” dagdag niyang pahayag.
Mapapraning na naman daw siya na puro itlog lang kinakain niya kapag nagda-diet.
Naalala raw niya tuloy ang laging sinasabi ng kanyang lola.
“Sabi ng lola ko dati, nung nabubuhay pa, ‘Di baleng mamatay ka sa busog, huwag lang sa gutom, e!’
“Dilat ang mata mo, kagaya nito?!” napapangiwing sambit ni Herlene.
Pero humihingi siya ng dasal na sana maganda ang laban niya sa Miss Planet International na nasa pangalawang taon pa lamang ito.
Pagkatapos nito ay masaya na siya na na-experience niya ang sumali sa isang international beauty competition.
Malaki ang pasasalamat niya dahil ang isa raw talaga sa natutunan niya sa ganitong kumpetisyon ay disiplina.
“Disiplina po sa sarili. Number 1 po, disiplina sa sarili. Ngayon po, bawal na akong masyadong mag-pekpek short ‘pag lumalabas,” pakli ni Herlene.
“Hindi naman masama ang pekpek short. Kumbaga, parang ano… inaayon mo din ‘yung ano mo, ‘yung suot mo, ‘yung asta mo, ‘yung galaw mo.
“Ako nga, na-miss ko ‘yung ganitong salita. Dati, ganun sa Binibini. Hirap na hirap ako, e!” dagdag niyang pahayag.
- Latest