Ian, nag-ipon ng confidence bago naging singer!

Ian
STAR/ File

Apat na dekada nang aktibo sa show business si Ian Vene­racion. Matatandaang nagsimula bilang child actor noon si Ian sa Joey and Son kasama ni Joey de Leon.

Hindi raw inakala ng aktor na matatagalan ang pagiging isang artista sa telebisyon at pelikula. “Dati akala ko kapag mag-aartista ka pa-cute, pa-cute lang. Tapos may ginawa akong movie, Hiwaga sa Balete Drive, tapos tatay ko si Joel Torre, nanay ko si Gina Alajar, ang tiyahin ko si Charito Solis. Tapos direktor ko si Peque Gallaga. Grabe, hindi laro, seryoso. Tapos nakita ko ‘yung proseso nila individually and how much they take their work seriously. Doon talaga kumbaga nag-shift ‘yung paningin ko na akala ko ‘yon ang trabaho ng artista dati, very memorable siya sa akin,” kwento ni Ian.

Bukod sa mga tagahangang patuloy na tumatangkilik ay malaki rin ang pasasalamat ng dating child star sa lahat ng kanyang mga nakatrabaho. “I am just the sum total of the people I meet. Kung mayroon akong ginagawang tama, the credits goes to the people who have touched my heart,” giit niya.

Ang pagkanta ang pinagkakaabalahan ni Ian ngayon. Si Ogie Alcasid na ang tumatayong talent manager ng aktor simula noong Mayo.

Hanggang maaari ay gusto lamang daw ni Ian na mapasaya ang lahat ng kanyang mga tagahanga. “It took me a long time to have the confidence to actually sing and make songs. I want to give justice and respect I have to the world of music,” pagtatapos ng aktor.

Coco, makapal ang mukha sa trabaho

Mula nang maging aktibo sa telebisyon noong 2009 ay nagkasunud-sunod na ang proyekto ni Coco Martin.

Maraming mga teleserye na ang nagawa ng aktor sa ABS-CBN. Ilang pelikula na rin ang pinagbidahan ni Coco sa Star Cinema kaya may ilang mga nagsasabing paborito ang aktor ng pamunuan ng Kapamilya network. “Lahat naman kami inaalagaan at paborito ng ABS-CBN. Nagkakataon nga lang siguro masipag lang kami. Sa akin kasi binibigyan ko ng halaga ‘yung trabaho namin. Kasi napakalaking tulong ito sa akin, hindi lang sa pamilya ko at sa mga katrabaho ko,” makahulugang pahayag ni Coco.

Kapag mayroong naiisip na konsepto ay agad daw itong iminumungkahi ng aktor sa mga katrabaho. “Hindi ako naghihintay ng ipi-pitch sa aking project eh. Makapal ang mukha ko. Ako ‘yung makapal ang mukha na nagpi-pitch sa kanila ng proyekto na baka sakaling magustuhan nila,” pagtatapat ng actor-director.

Kasamang magbibida ni Coco si Jodi Sta. Maria sa Labyu With An Accent na makakalahok sa Metro Manila Film Festival 2022. Si Coco rin ang magsisilbing direktor ng naturang MMFF movie. “Like itong Star Cinema, ako talaga naglakas-loob. Nakakahiya man, ako nagsabi sa kanila na, ‘Baka gusto n’yo, may kwento ako.’ Sobra naman silang natuwa,” nakangiting pagbabahagi ng aktor. (Reports from JCC)

Show comments