Vic, totodo na rin ang career sa ibang platform

Vic
STAR/ File

Marami ang nagulat sa ipinost sa Facebook account ng Net 25 na nasa kanila na raw sina Tito, Vic and Joey. “Let’s net together with the Philippines’ favorite trio…Tito, Vic and Joey!”

Akala ng karamihan ay magsasama sa isang show ang main hosts ng Eat Bulaga. May kanya-kanya lang silang show.

May Love, Bosleng and Tali si Bossing Vic Sotto, meron na rin si Tito Joey de Leon, at ang dinig namin isang public service program ang dating Senate President Tito Sotto.

Hindi lang sa Net 25, magi­ging active rin si Bossing Vic sa iba pang platform. Nakisabay na rin siya sa karamihan na pasukin ang social media at streaming app.

Hindi lang maidetalye sa amin ni Pauleen Luna, pero may mga inaayos na raw.

Hindi rin niya ako sinagot kung may offer ba ang AMBS o All TV kay Bossing Vic. “Maraming in the works. But as of now, planning pa lang siya. Ano pa e, mahirap pa gumalaw. Pero, maraming pinaplano, may mga lumalapit. Kumbaga, nakaano siya, nakalatag siya,” safe na sagot ni Pauleen.

More on entertainment pa rin daw ang gagawin ni Bos­sing Vic sa ibang platform na posibleng papasukin niya.

“Nasa adjustment period, Siyempre, lahat naman tayo nag-adjust when the pandemic hit. Hindi ganun kadali ang planning,” sabi pa ni Pauleen.

Garret, babalik muna ng bansa

Natapos na ni Garret Bolden ang kanyang participation sa Miss Saigon sa Guam.

Memorable kay Garret ang experience niya sa Miss Saigon, lalo na’t napansin siya sa naturang musical bilang si John Thomas.

Most applauded daw si Garret sa lahat ng performances. Kaya na-inspire ang Kapuso balladeer na magpa-audition sa ibang musicals.

Pero babalik daw muna siya ng bansa para mag-record at may commitment siya sa All-Out Sundays. “I’ll be going home sa Philippines after Miss Saigon Guam. I’ll start recording for my next single.

“I’m also going back to All Out Sundays this October. And if given a chance, I would like to audition and try other musicals or theater plays here and abroad,” saad ni Garret.

Komedyante, ayaw nang umepal sa nangyayari kay Sean

Nakatsikahan namin ang isang kilalang komed­yante na sobrang saya sa pagkapanalo ng indie actor na si Sean de Guzman bilang Best Actor sa katatapos lang na Chithiram International Film Festival sa India.

Naging malaking bahagi si komedyante sa buhay ni Sean nung nagsisimula pa lamang siya sa showbiz.

Naalala namin sa nakaraang interview namin kay Sean na binanggit niyang hindi raw niya puwedeng kalimutan ng taong ito na malaki ang naitulong sa kanya.

Alam naming itong si komedyante ang tinutukoy niya. Minsan nga nung nagkita raw sila, tinanong daw ni Sean itong si komed­yante kung masaya ba ito para sa kanya.

Siyempre, sobrang saya ni komedyante. Pero ayaw na raw niyang pumapel pa. Tahimik lang siya, dahil ayaw na raw niyang sumali pa sa isyu ni Sean.

Napanalunan ni Sean ang naturang award sa Chithiram International Film Festival mula sa pelikulang Fall Guy na dinirek ni Joel Lamangan.

Kaya ang saya ni direk Joel para kay Sean. “Masaya ako at nanalo si Sean sa festival na iyon. Ako ang gumawa sa kanya. Ako ang nanganak sa kanya. Ako ang kanyang ina!,” bulalas ni direk Joel.

“Ako ang pumili sa kanya para sa Lockdown at sa Anak ng Macho Dancer na launching film niya. “Napakahusay niya sa My Father, Myself. Napakahusay niya! Mahusay siya!

“Napaiyak si Len (Carrillo) at ‘yung kasama niyang mala­king tao, si Deo, nang mapanood ang interlock ng movie. ‘Napakaganda, Direk!’ sabi nila,” pagmamalaki ni direk Joel.

Pangarap ni Sean na ma-penetrate rin niya ang mainstream na sana ay makalabas siya sa soap opera o malaking pelikula na mapapanood na sa sinehan.

Show comments