Chito, dismayado sa resulta ng ‘text votes’
Inamin ni Chito Miranda at maging ng iba pang judges ng isang singing contest sa telebisyon na sila ay “devastated” sa naging resulta noon.
Iba ang pinili ng judges para manalo, pero ang nanalo iyong nakakuha ng mataas na text votes.
Ganyan naman talaga ang contests ngayon, ang nasusunod ay ang text votes na binabayaran nang mas mahal kaysa sa karaniwang text.
Hindi ba sa isang talent search noon may nanalo dahil mayaman ang magulang, namigay ng sim card at load para makaboto ang kanilang text brigade para manalo ang kanyang anak?
Ate Vi, ‘di gumamit ng ghost singer
Ang isa sa una naming nakita sa social media kahapon ng umaga ay isang video mula sa dating TV show ni Ate Vi (Vilma Santos), na kung saan siya ay kumakanta kasama si Francis Magalona.
Kayang kumanta ni Ate Vi, at kung iisipin mo na siya ay naging isang recording artist din noon sa ilalim ni Wilears Records ng producer na si William Leary, at sa rami ng nakanta niya sa telebisyon, aba eh professional singer siya.
Hindi nga lang nag-concert si Ate Vi dahil sa pelikula pa lang noon ubos na ang oras niya.
Late ‘60s noong pumasok si Ate Vi sa telebisyon. Aywan kung natatandaan pa ninyo iyong The Sensations, pero iyong show na sa kanya talaga, ang VIP ay nagsimula sa BBC 2.
Maganda ang audience share ng VIP o Vilma in Person, pero ipinasara nga ang BBC 2 noong mag-take over ang Cory government noong 1986 at sinequester ang network.
Marami agad ang nag-offer kay Ate Vi na lumipat, pero ang napili niya ay GMA 7 dahil pinayagan silang ang tumayong producers ng show ay ang dati niyang production team sa BBC.
Nagsimula sila ng bagong show na tinawag na Vilma noong Aug. 8, 1986. Naging highest rating program iyon ng GMA at tumagal ng 479 episodes ayon sa record, nang magtapos iyon noong Sept. 29,1998. Kailangang tumigil si Ate Vi dahil iyon ang payo ng kanyang doctor, delikado ang pagbubuntis niya kay Ryan.
Sa buong panahong iyon ay kumakanta si Ate Vi sa kanyang show.
Iyon ang inaabangan ng mga tao, bukod sa kanyang opening number na isang sayaw, at ang pagkanta niya kasama ang co-hosts niya o isa sa kanyang guests.
At kami puwedeng maging witness, hindi gumamit ng “ghost singer” si Ate Vi minsan man sa kanyang show.
Ngayon magkakaroon na naman siya ng TV show. Binubuo pa lang daw ang concept. Hindi pa natin alam kung ano ang format. Definitely hindi na gaya ng dati na hindi naman babagay sa kanyang status sa ngayon.
LVN Studios, nasunog din
Dalawang magkasunod na araw iyan. Aug. 31, nasunog ang Annabelle’s Restaurant na naging istambayan din ng maraming mga taga-show business. Maraming pelikula na nabuo riyan.
Kinabukasan, Sept. 1, nabalita namang isang bahagi ng dating LVN Studios ang nasunog.
Sana naman hindi ang kanilang archives ng mga klasikong pelikula ng kumpanya, nakakahinayang kung may mawawala pa sa mga nakuha nilang kopya ng kanilang mga ginawang pelikula.
Nasa LVN kasi ang maraming Filipino classic films.
- Latest