Gabbi at Joshua, magtatambal sa collab ng GMA at ABS-CBN?!
Network war, tatapusin na
Very reliable ang nagparating sa amin ng balitang tuloy na raw ang matagal nang pinaplanong collaboration ng GMA 7 at Kapamilya network.
Noon pa namin nabalitaan ang binabalak nilang partnership sa isang malaking project, at mukhang tuloy na tuloy na ito.
Ayon sa aming source, isang teleserye raw itong gagawin nila na ila-line produce ng Dreamscape.
Ang napagkasunduan daw nila ay pagbibidahan daw ito nina Joshua Garcia at Gabbi Garcia.
Magandang tandem ito kung matutuloy!
Hindi lang ito kinukumpirma ng ilang napagtanungan namin. Wala silang comment, magandang ideya raw ‘yun kung matutuloy. Hindi naman nila dini-deny o kinu-confirm. Basta ayon sa aming source, si Gabbi raw ang gusto ng GMA 7 na gagawing leading lady sa magandang project na ito.
Hindi pa namin alam ang ibang detalye, lalo na ang airing nito.
Medyo kakaiba ang setup kung sakali, dahil hindi pa alam kung simulcast ba ang airing sa GMA 7, A2Z at ibang Kapamilya channels. Kasama rin kaya ang TV5?
Hintayin na lang natin ang official announcement ng GMA 7 at ng Kapamilya network.
Kung sakali, next year na raw nila ito sisimulan.
Pero magandang balita ito kung sakali, dahil dito na tinapos ang matagal nang isyu ng network war.
Sana matutuloy na talaga ito!
Yasmien, na-delay ang planong pagbubuntis
Napangiti si Yasmien Kurdi nang hiningan namin siya ng reaksyon sa mga magagandang sinabi ni direk Gina Alajar sa kanya sa Start-Up Ph.
Sabi ni Yasmien, hindi raw niya alam kung alin dun ang tinutukoy niya, dahil pinaghandaan naman daw niya talaga ang role niya rito bilang si Katrina ‘Ina’ Diaz.
Tsika ni Yasmien nang nag-guest sa amin sa DZRH nung nakarang Linggo: “May mga preparations po ako for the show. Kasi, una sa lahat, kailangan ko mag-trim down ng weight kasi para sumakto sa akin ang pasusuotin kasi medyo fashionista siya e. Kaya medyo slick, modern, sophisticated na office attire ang laging suot ko rito.
“Ano kasi siya, very driven ‘yung character ko. So, I think medyo na-change ko rin ‘yung voice.
“Nag-undergo din ako for personal classes ko for speech class. Nag-speech classes ako for the show. Nag-observe ako ng maraming TED talks online, kung paano nga ba magsalita in front of people. Kung paano gumalaw. Kasi marami kami dito… may hackathon kami. So, we have to stand in front of people and explain the whole app or the whole thing that we’re working on tungkol sa business.”
Kaya natuwa si Yasmien, dahil sa patuloy na pagti-taping nila, ang dami raw niyang natutunan para sa personality development. “Ang dami kong natutunan. Kasi when it comes to posture, to movements kung paano ka mag-introduce.
“Kaya tinanggap ko ang role na ito kasi medyo out of the box siya for me. It’s my first time portraying this kind of role. It’s something different para sa akin. Kasi, for my typical characters in the past, ‘di ba? Before kasi lagi na lang akong inaapi, laging madrama. Pero this time, kakaiba siya dahil ‘yun nga e, tungkol sa business. It’s something different in my career. It’s something different for me na mai-excite ako sa work,” saad ni Yasmien.
Kaya na-delay na naman ang plano nila ng asawa niyang si Rey Soldevilla na magka-baby uli.
“Dapat noon pa kami nagpaplano ni Rey na magka-baby. After nung 7th birthday ni Ayesha. Pero kasi, biglang nagka-pandemic. So. In-advise din sa akin ng doctor na huwag na muna. Kasi, nung time na ‘yun, grabe nga ‘yung surge. So, natakot din kami.
“Pero ito biglang grabe din naman ‘yung work. Medyo busy na rin kami. Kaya, kung kailan na lang talaga ibigay ni Lord, e di go. Tatanggapin naman namin,” sabi pa ni Yasmien Kurdi.
- Latest