Ang cute nang ipinost ni Jason Abalos sa kanyang Facebook account kamakailan lang na mga kuha ni Vickie Rushton sa kanilang pre-nuptial pictorial na kinunan sa Pantabangan, Nueva Ecija.
Sa Pantabangan isinilang at lumaki si Jason. Board member siya sa naturang lalawigan, at ang ganda ng naturang lugar.
Pinusuan ng mga netizen ang napakaganda nilang pre-nuptial pictorial.
Sabi niya sa kanyang huling FB post; “Hi Misis (smile emoji) (practice lang, lapit na din naman hahaha)”
Malapit na nga pala niyang maging misis si Vickie dahil nakatakda na raw ang kanilang kasal sa September 1.
Somewhere in the South daw ang wedding, pero very intimate ito at ilang mga close friend at pamilya ang imbitado.
Kabilang sa mga close friend nila ay ang mga kasamahan noon ni Jason sa Star Circle Quest.
Bahagi yata sa entourage si Joross Gamboa.
Ewan ko kung imbitado at dadalo ba sina Sandara Park, Hero Angeles, at iba pa.
Pagkatapos ng wedding ay maaring maging abala si Jason sa responsibilidad niya bilang Board Member ng Nueva Ecija.
Wala pa kaming balita kung may kasunod siyang drama series sa GMA 7.
May mga bagong papasok daw kasi sa GMA 7 na isasama sa mga sisimulang drama series.
Ang ilan sa narinig namin, pero hindi pa talaga na-finalize ay sina Dominic Roque at Marco Gumabao.
Magaling na aktres, pahirap, tinalakan ang lead actor ng kanilang serye
Kahit medyo maluwag na safety protocols sa mga tapings, ang dami pa ring problemang hinaharap ang production staff.
Isa na rito ang madalas na pag-ulan. Malaking abala ito sa taping lalo na kung maraming exterior shots.
Kaya malaking bagay ang kooperasyon ng mga artista para gumaan ang trabaho ‘di ba?
Pero itong narinig naming kuwento ay nagdagdag pa raw sa dusa ng production staff itong pag-a-attitude ng magaling na aktres na bahagi ng isang drama series na napapanood na ngayon.
Maganda ang rating at feedback sa bagong drama series na ito at malaking bagay na kasali itong magaling na aktres dahil malaking pangalan naman siya sa drama.
Pero lingid sa kaalaman nang lahat, ang dami raw problemang bigay nitong si magaling na aktres.
Ang dami raw complains lalo na kapag nagkakaproblema sila sa set.
Ang isa pang ikinaloka ng staff, strictly na nasusunod daw ang 14 working hours. Pero itong si aktres, kapag malapit na ang cut-off sa ika-14th hour nito, binabagalan daw ang pagkilos.
Mabagal sa pagpalit ng damit, mag-retouch ng make-up, at kung anik-anik!
Ang duda ng mga staff, sadyang binabagalan niya para hindi na makunan ang ilang eksena.
Lalong lumalabas daw ang kamalditahan ni magaling na aktres, kapag nahihirapan siya sa lead actor na kaeksena niya.
Siguro takot si lead actor kaya nagkakamali siya kapag kaeksena ito.
Deretsahang sinabihan daw ni magaling na aktres itong si lead actor ng tipong; “you need more acting wrokshops!”
Hindi na raw nakaimik si lead actor na sinusubukan namang galingan ang mga ginagawa niya.
Sana makatulong itong pagtataray ni magaling na aktres kay lead actor para galingan niya ang kanyang pag-arte.