MANILA, Philippines — Muling na-interview ni Ogie Diaz si Andrew Schimmer. Kasama sa kanilang napag-usapan ay ang paglilinaw ni Andrew sa balitang binayaran ni Coco Martin ang buong hospital bill ng asawa niyang si Jho Rovero na umabot sa P6 million.
Kinailangang linawin ni Andrew ang tungkol dito dahil may mga nagte-text sa kanya, mga nakakasakit na messages ang sinasabi. Binayaran na raw ni Coco ang total amount ng hospital bill nila, tuloy siya sa panghihingi ng donation at financial support for his wife.
“Guys, hindi po binayaran nang buo ng ating kapatid na si Coco Martin ang amin pong bill sa hospital which is P6 million. Nagbigay lang po ng konting tulong ‘yung ating kapatid na si Coco Martin, pero hindi niya po binayaran nang buo. Nagpahatid lang po ng tulong and for that, I am really, really, really grateful,” pahayag ni Andrew.
Ayon kay Andrew, ginawa niya ang paglilinaw dahil nga sa hurtful messages na natatanggap. Hindi raw siya nagalit at hindi rin sumama ang loob sa mga nag-text sa kanya, nalungkot lang si Andrew.
Nakiusap si Andrew na ‘wag siyang pagsalitaan ng masasakit at ang totoo, hindi ganu’n kalaki ang hawak niyang pera. Baka nga hindi pa umabot sa P6 million ang mga nag-donate at tama lang na patuloy siyang mangalap ng donation. Hindi naman siya namimilit, kung sino lang ang magbibigay.
Nasulat din na nagpadala ng P200,000 si Jinkee Pacquiao at marami pang iba ang tumulong at patuloy na tumutulong. Ibinalita rin ni Andrew na puwede na niyang iuwi sa bahay si Jho at kahit nasa bahay, tuloy pa rin ang gamutan nito at kakailanganin pa rin ng malaking pera.
Buboy, emosyonal nang makahanap ng pamilya
Naging emosyonal si Buboy Villar nang ikuwento ang naging experience niya sa South Korea sa shoot ng Running Man PH. Habang nagsasalita, gumaralgal ang boses nito at naging teary-eyed, pinangatawanan lang ang monicker niyang “The Funny Man,” kaya hindi natuloy umiyak.
Hindi raw akalain na mapapasama siya sa one of Korea’s most popular variety program, magiging close sa ibang members, tatanggapin siyang kaibigan at makakahanap ng pamilya sa kanila. Soulmate pa nga ang turing sa kanya ni Mikael Daez.
Blessing kay Buboy ang mapiling member ng Running Man PH, at nagpasalamat sa GMA 7 at sa mga pumili sa kanya para mapasama sa Lucky 7.
“Thank God napasama ako rito, ibang pamilya ang nakasama ko. Ginawa namin ang best namin sa mga mission na ipinagawa sa amin. Marami rin kaming pasabog, tumutok lang kayo,” sabi ni Buboy.
Sa Sept. 3 and 4 na ang world premiere ng Running Man PH at ang show ang papalit sa Jose and Maria’s Bonggang Villa sa Season 1 finale. Mataas ang rating ng comedy show nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, aabangan ang rating ng Running Man PH dahil isa ang rating sa magiging factor kung magkakaroon ng Season 2 ang variety program/reality game show.