Aguilar nakapag-ensayo na sa Gilas
MANILA, Philippines — Lalong lumakas ang puwersa ng Gilas Pilipinas sa pagsali sa ensayo ni big man si Japeth Aguilar kahapon matapos ma-clear sa COVID-19 protocols ilang araw bago ang fourth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Hindi nakadalo sa mga unang araw ng ensayo si Aguilar dahil nasa isolation sa ilalim ng health and safety protocols bago makahabol sa Gilas training sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig City.
Malaking bagay ang presensya ni Aguilar, nagrehistro ng 17.1 points, 8.0 rebounds at 2.6 blocks, sa Gilas na sasabak kontra sa Lebanon sa Agosto 25 at laban sa Saudi Arabia sa Agosto 29.
Sakto rin ang pagdating ni Aguilar sa pagsali ni NBA ace at Filipino-American pride Jordan Clarkson sa puspusang paghahanda ng Nationals sa gabay nina coaches Chot Reyes, Jong Uichico at Tim Cone.
Nauna nang sumalang sa ensayo si Pinoy tower sensation Kai Sotto bilang dagdag na reinforcement sa pinalakas na Gilas matapos ang kabiguan sa 2022 FIBA Asia Cup sa Indonesia.
Kasama rin sa training ng Gilas sina Carl Tamayo, Scottie Thompson, Chris Newsome, Roosevelt Adams, Arvin Tolentino, Jamie Malonzo, Ray Parks Jr., Dwight Ramos, Thirdy Ravena at Kiefer Ravena.
Ngayong araw lilipad pa-Beirut ang Gilas upang magkaroon ng pinal na preparasyon laban sa Lebanon team na sumegunda sa Australia sa Asia Cup.
- Latest