Mahilig ako sa matamis. (baka pinaglihi ako sa langgam!) Nakasanayan ko na yung kailangan may dessert pagkatapos kumain. (o kahit ‘di pa kumakain, nagde-dessert na!) Gusto ko ‘yung mga chocolate bars at ice cream na may almonds o kaya mani (opo, kumakain ako ng mani paminsan minsan…)Bet ko mga chocolate cake pero paborito ko rin ang carrot cake at brazo de mercedes. (pangtapat sa braso ko!) Feel ko rin ‘yung mga may custard cream. (lalo na ‘yung nabibili sa convenience store sa Japan!)
Nitong bago magka-pandemya, pinadalhan ako ng kaibigan kong si Jan Ocampo Vicente ng Creamhorns, ang mga ito ay puff pastry cones na may matamis na custard cream sa loob. (pagkatanggap ko, sinubo ko agad!) Gawa n’ya ito, mula sa recipe ng kanyang namayapang tatay na si Alfonso Vicente na mula sa Iloilo. (in fairness, napamura talaga ako sa sarap! Walang halong kaeklayan ha!)
“2013 nawala si Daddy, pero 1984 pa ‘yung recipe n’yang ‘yan at nakilala sa Iloilo. Hindi madali ‘yung paggawa kasi inaral ko talagang mabuti kung paano at inalam ‘yung tamang ingredients at ‘yung tamang timpla. Gusto ko talagang maipakilala ‘yung creamhorns dito sa Manila.” Paliwanag ni Jan. (close na kami ng mga creamhorns mo!)
Isa rin itong pagtupad sa pangarap ng kanyang namayapang kapatid na si Albert Vicente. Si Albert ay matalik kong kaibigan, kaya ko nakilala si Jan. Pangarap ni Albert na gawing negosyo sa Manila ang Creamhorns. Naalala ko, gusto na n’yang simulan na pag-aralan ang paggawa nito. Nakapagsimula na nga s’yang gumawa ng ibang dessert, isusunod na n’ya sana ang pagkarir sa mga creamhorns pero hindi na n’ya ito nagawa dahil nagkasakit s’ya at namaaalam nung 2018. (oh well… haaay)
“Alam kong gusto ni Albert na gawin ko ito. Alam kong ginagabayan n’ya ako sa bawat paggawa ko at sa pagpapalago ng business na ito. “ Paglahad ni Jan. (at binilin n’ya na padalhan mo raw ako lagi! Chos!)
Tinawag ni Jan ang kanyang negosyo na Alfonso’s House of Creamhorns, alinsunod sa pangalan ng kanyang tatay at kapatid: “Nickname kasi ni Daddy, Fonso at si Albert naman Al. Sila talaga ang inspirasyon ko para mai-share ko itong espesyal nilang alaala sa mga tao.” (sure ako na proud sila sa’yo!)
Magtatatlong taon na ang Alfonso’s House of Creamhorns sa Pasig. Ilang celebrities na rin ang nakapag-feature nito sa kani-kanilang programa tulad nina Gretchen Ho at ang mag-asawang Drew Arellano at Iya Villana. (sana sabay naming tinikman ni Drew ‘yung Creamhorn!) Sa ngayon, gumagawa na rin sila ng ibang flavors ng Creamhorn, mula sa original na custard cream, meron na rin silang ube, buko pandan at strawberry. (baka sa susunod lagyan na rin nila ng Diamond o Swarovski!) Meron na rin silang Napoleones, puff pastry rin ito na may custard at white cream ( may kakaibang texture naman ito pero masarap din ha!)
“Nakakataba lang ng puso ‘yung magagandang feedback na nakukuha namin. Maraming salamat sa mga regular customers namin at ngayon kahit sa ibang bansa, nakakarating na rin ang Alfonso’s House of Creamhorns, dahil sa mga order namin abroad.” Pagbalita ni Jan. (sa sarap n’yan, makakarating na rin yan sa outer space!)
(MR.FU hosts on 91.5 Win Radio, 7pm-9pm, Mondays to Fridays. TITimg on PSN FB, 12nn-1pm, Tuesdays)
(Twitter/IG: @mrfu_mayganon. FB: mr.fu tagabulabog ng buong universe. Youtube/FB: WTFu. Patreon: www.patreon.com/wtfu website: www.channelfu.com )