Naiiyak ako, Salve, habang nakahiga sa kama ko na ang cover at pillow case ay bigay ng organization ninyong SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors). Na-feel ko talaga ‘yung feeling of belonging at love ng kapwa ko writers na tulad ninyo nina Ian, Dondon, Nestor, Eugene, Nick, Tessa, Dinah, at iyong iba pang members ng SPEEd.
Touched din ako sa baskets na pinadala nina Popoy Caritativo at Perry Lansingan ng PAMI, kahit alam ko na ibang members nila kontrabida at gusto akong ipakulam. Basta talagang tuwing gagamitin ko ang bed cover at pillow cases na bigay ng SPEEd lagi kong iisipin na ito ang samahan dapat kong tulungan, dahil mahal nila ako. Salamat talaga, will never forget, forever in my heart.
Pero isa pa sa hindi ko malilimutan kaya mahal na mahal ko ay si Papa Miguel Belmonte.
Hindi ako maka-move on nang i-text niya ako na anytime I need something nandiyan ang STAR para sa akin. Bongga ‘di ba.
Kaya nga saan ka makakakita ng Big Boss na tulad ni Papa Miguel. I love you talaga, walang charrot kahit itanong mo pa kay Salve.
‘Kailangan ng motivation sa buhay’
Nasa dialysis chair ako habang nagsusulat, Salve. Sabi raw ng halos kaedad kong mahusay na manunulat at kaibigan ng lahat na si Mario Bautista. nade-depress siya ‘pag binabasa ang column ko sa Pilipino Star NGAYON and Pang Masa.
Kung alam lang ni Mario B. na mas grabe ang feeling ko. May times na iniisip ko bakit ba nagpapagamot pa ako. May times na ikinaiinis ko ang mga ginagawa sa akin. Kung minsan nga guilty ako dahil ang motivation ko lang ang dog ko na si Jokjok. Kung minsan naiisip ko bakit pa kailangan extension eh wala na naman ako gustong gawin sa buhay.
Ewan ko ba baka nga dahil sa aging o edad kaya kung minsan para na akong tamad.
One time nga nang hirap akong huminga, nasabi ko na bakit buhay ka pa eh hirap ka naman huminga?
Maraming bagay nga ang dahilan kung bakit buhay pa ang isang tao, kailangan nga lang meron ka pang motivation sa buhay.
At sana nga huwag mawala iyon akin, dahil ‘pag iyon ang nawala, talagang type ko nang magba-bye noh, ano pa ba ang dapat mong gustuhin dito sa mundo, o gawin o kaya maging malaking dahilan para mabuhay.
Naku, Mario B. Sa totoo lang ako mismo ang nagtatanong ng malaking why? Dasal na nga lang ang ginagawa ko, at sana nga tuluy-tuloy na ang paggaling ko.
Or else talagang maiinis na ako at susuko talaga.
Ay naku, Mario B. huwag ka nang ma-depress, iyan na talaga ang buhay natin, matanda na kasi, hah hah hah!