Maaaring malaki ang naitutulong ng musika para kay Tom Rodriguez. Kaya pagkatapos ng matagal na hindi nagpaparamdam sa social media, nag-post uli itong nagpa-piano.
Sandaling nakatsikahan ko sa telepono ang manager ni Tom na si Popoy Caritativo, okay naman daw ang Kapuso actor kasama ang pamilya niya sa Arizona, USA.
Gusto man daw ni Tom na bumalik ng bansa para magtrabaho, parang mahirap pa sa ngayon dahil mauungkat na naman ang isyu nila ni Carla Abellana.
Paulit-ulit lang na mapag-usapan ‘yun hangga’t hindi siya nagsasalita, kaya minabuting doon muna siya sa Amerika, dahil malaking tulong ang suporta ng pamilya.
Ayon kay Popoy, kahit paano ay may nagagawa naman daw doon si Tom dahil may tinatanggap daw siyang shows.
May naka-line up daw siya kasama si AiAi delas Alas.
Pero kapag may offer daw ang GMA 7 na magandang project para sa aktor, saka nila pag-usapan kung puwede na ba siyang bumalik.
I’m sure, merong ibibigay sa kanya ang Kapuso network kapag handa na siyang bumalik sa trabaho at harapin ang isyu nila ni Carla.
Miguel at Ysabel, walang adjustments
Nabago pala ng timeslot ang bagong drama series ng GMA 7 na What We Could Be na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega.
Dapat ay sa Aug. 15 na ito magsisimula, kapalit sa magtatapos na Love You Stranger, pero sa Aug. 29 na raw ito.
Ito na pala ang ipapalit sa matatapos na ring Bolera ni Kylie Padilla. Mas maganda ang timeslot dahil susundan nito ang Lolong ni Ruru Madrid.
Exciting daw itong bagong collaboration ng GMA 7 at Quantum Films, lalo na’t maganda ang love story nito at dinirek pa ni Jeffrey Jeturian.
Sabi ni Ysabel sa nakaraang press preview ng What We Could Be: “It’s the first time that they’re going to work together. The first time na gagawa ng serye ang Quantum Films, and it’s so exciting to be a part of this because it’s new to everyone talaga, and it’s new for us.”
Ganundin ang nararamdaman ni Miguel na ang sweet pa niya kay Ysabel. “Excited ako sa kalalabasan ng ginawa namin, kasi ang Quantum kilala sila sa films na ginawa nila… and ako wala masyadong movies na nagawa. So, excited ako kung papano sila mag-a-adopt sa series,” pahayag ni Miguel.
Malaking bagay rin daw ‘yung matagal na pinagsamahan nila ni Ysabel sa taping ng Voltes V. Kaya nakikita naman dito sa What We Could Be na sobrang kumportable na sila sa isa’t-isa.
“Wala na masyadong adjustments ni Ysabel kasi tagal na naming nagti-taping sa Voltes V. So, I can say na kumportable na kami sa isa’t-isa.
“Kung may mga sweet mang eksena, kung may mga ano, andun na ‘yun,” bulalas pa ni Miguel.
Kaya medyo matagal-tagal pa ang hihintayin ng fans nila dahil sa Aug. 29 pa pala magsisimula itong What We Could Be. SHOWBIZ GANERN…
Derrick, ‘di kasama si Elle sa kanyang birthday
Maganda ang feedback at performance sa ratings ng bagong afternoon drama na Return to Paradise nina Derrick Monasterio at Elle Villanueva.
Marami ang nagsasabing bagay silang dalawa, at gumaganda pa ang kuwento nito.
Kaya happy na rin si Derrick dahil sulit naman daw ang pinaghirapan nila.
Ngayong araw sa All-Out Sundays ay isi-celebrate ni Derrick ang kanyang kaarawan sa segment nitong All-Out Birthday Bash.
Kasama niyang mag-perform sina Sanya Lopez at Bianca Umali na close naman sa kanya noon pa.
Pero bakit waley si Elle?
Kasabay rin palang mag-birthday ni Derrick sa AOS ang The Clash champion na si Jeremiah Tiangco.
Makakasama naman niya ang magagaling na produkto ng The Clash na sina Jessica Villarubin at Mariane Osabel. Makipagsabayan din sa kanila ang magaling ding si Zephanie.