Bata pa si Evangeline Rose Eigenmann nang makilala namin. Hindi pa siya artista noon. Ang dalawang kapatid niya, sina Michael at Ralph na mas kilala bilang Mark Gil ang siyang nag-aartista na noon. Bata pa, pero maganda na talaga si Cherie.
Una naming napanood si Cherie bilang performer sa isang concert sa Folk Arts Theater. Dumating ang tatay nilang si Eddie Mesa mula sa US at nagkaroon ng concert, at kasama sa nasabing concert ang kanyang tatlong anak. Natatandaan pa namin, kinanta ni Cherie ang sikat na kanta noon ni Debbie Boone, ang You Light Up My Life, na pinalakpakan nang malakas ng audience, natural ang kasunod noon nag-recording na rin siya.
Una siyang naging recording artist ng Blackgold, pero hindi masyadong nai-push.
Halos kasabay naman noon, kinuha ni direk Elwood Perez si Cherie para isama sa kanyang pelikulang Beerhouse, iyon bale ang first movie niya. Tapos ini-launch siya ng Regal Films bilang bida sa pelikulang Problem Child na si Elwood din ang director.
Isa sa sinasabing mahusay na performance ni Cherie ay iyong sa pelikulang Manila By Night, na pinapalitan ang title at ginawang City After Dark, na ginawa naman ng national artist na si Ishmael Bernal.
Pagkatapos noon nagtuluy-tuloy na ang kanyang career at kinikilala na siyang isang mahusay na aktres.
Nanalo siya sa Asian Film Festival, ganoon din sa International Film Festival sa Madrid, bukod pa sa napakaraming awards na nakuha niya mula sa award giving bodies sa Pilipinas.
Muli sana siyang ila-launch bilang bidang aktres. May nabuo nang project para sa kanya ang film producer na si Mina Aragon, ang TV Star, pero nagkaroon ng problema at hindi iyon natuloy.
Nagpatuloy siya sa pagiging aktibo sa kanyang career bilang isang aktres sa pelikula at telebisyon. May mga nagiging problemang personal, kahit minsan ay ‘di inilabas ni Cherie sa publiko o nadamay ang kanyang career sa kanyang mga pinagdaanan. Napanatili niyang pribado ang kanyang buhay.
Maging ang kanyang pagkakasakit, matagal na niyang alam, at siguro pinaghahandaan na nga niya ang lahat ng mangyayari, pero naitago iyon sa publiko. Noong nagpakalbo siya, sumasailalim na siya sa chemotherapy, at dahil naglulugas na nga ang buhok dahil sa ginagawang treatment sa kanya, tuluyan na niyang ipinakalbo.
Nang sabihin nilang ibinenta na niya lahat ng mga ari-arian niya sa Pilipinas para manirahan sa US, siguro nga ay simula na iyon ng kanyang pamamaalam. Alam na niya. Pero nagpatuloy ang kanyang pagpapagamot sa Memorial Sloan Kettering Cancer Center sa New York, hanggang noong Biyernes, Agosto 5, 2022, nang siya ay bawian na ng buhay dahil sa cancer.
Naiwan ni Cherie ang tatlo niyang anak. May dalawa siyang anak sa naging asawang si Ronnie Rogoff, isang kilalang violinist, sina Bianca at Raphael. Nagkaroon din siya ng isang anak kay Leo Martinez, si Jay.
Wala pang ibang detalye kung ano ang balak ng pamilya ngayong pumanaw na siya. Bagama’t maraming kaibigan niyang gusto siyang makita sa mga huling sandali, si Cherie na napaka-simple ng buhay ay hindi na siguro gugustuhin pa ang ganoon.
Masarap lang gunitain na nagkaroon tayo ng isang artistang napakahusay, minahal ng fans, at kinikilala ng kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang propesyonalismo at kabutihang loob na kagaya ni Cherie Gil. Ipanalangin na lang natin siya.