Lea, ‘di na bumibirit ng tagalog songs sa abroad

Pinag-uusapan ngayon kung tama raw ba ang ginagawa ng ating mga kababayan sa abroad, iyan ay dahil sa nabalitang sinigawan nila ng “boo” si Lea Salonga matapos na hindi iyon kumanta ng isa mang awiting Pilipino sa kanyang concert. May nag-post pa, na sa isa raw concert ni Lea, nagtanong pa siya sa audience kung ano ang gusto ng mga iyon na kantahin niya, pero sa kabila raw ng malakas na sigawan ng “Tagalog songs” hindi iyon pinansin ni Lea at hindi rin kumanta ng isa mang awiting Pilipino.

Ngayon ang usapan daw sa US, at maging sa isa pang bansa sa Middle East, kung magko-concert si Lea Salonga ay hindi na lang sila manonood dahil disappointed sila sa pagtanggi noong kumanta ng Tagalog songs.

Tingnan naman natin ang kabilang panig. Ang isang artist kagaya ni Lea ay may buong repertoire sa bawat show, na ginagawa niya kasama ang musical director at iba pang may kinalaman sa show. Hindi sinisira ng artist ang kanyang repertoire. Kung ano iyong nakalista, iyon ang kakantahin niya. Una, dahil kung ang accompaniment niya ay isang orchestra, kailangang i-rehearse niya ang lahat ng kanta. Kung minus one naman, nakaayos na iyon ayon sa pagkakasunud-sunod at mas mahirap baguhin.

Naiintindihan naman naming iyong mga disappointed, kasi nagbabayad sila nang mahal eh, minsan mahigit sa isandaang dolyar, at inaasahan nila na may maririnig man lang silang awiting Pilipino kahit na isa. Kaya sila nanonood sa mga Filipino artist, basta nakarinig sila ng kantang Tagalog, kahit papaano sumasaya sila. Pero hindi si Lea ang aasahan mong gagawa ng ganoon. Nasanay kasi siya sa international standards, at iyon ang kanyang sinusunod.

Yorme Isko, nagpakawais nang matalo

Marunong si Isko Moreno kung papaano siyang mag-e-enjoy sa buhay. Nang matalo siya sa pagkandidato ng presidente ng Pilipinas, habang ang ibang mga natalo at nagmumuni-muni pa, siya kasama ang buo niyang pamilya ay nasa isang European tour. Ang huling balita, nasa Paris, France sila, isa sa pinaka-expensive cities sa buong mundo.

Matalino si Isko eh. Noong makita niyang tagilid na rin naman ang kanyang kandidatura, nag-hold back na siya. Wala siyang commercial sa TV. Wala siyang malalaking billboards. Hindi na siya masyadong gumastos. Kung natatandaan ninyo noong kumandidato rin siyang senador at natalo, inamin niyang 50 milyon ang natipid niya at naiwan sa kanyang pondo mula sa mga donasyon. Ngayong ang tinakbuhan niya ay presidente, tiyak na mas malaki pa. Kaya puwede talaga silang magbakasyon sa Europe kahit na isang taon pa. Maikli lang ang buhay, kaya tama lang na mag-enjoy ka na sa buhay mo.

Pinipilahang pelikula, mahusay ang marketing strategy

Bumubula ang bibig ni direk sa galit at sama ng loob. Iyong isang pelikulang binanatan na niya, isipin mong kumita pa. Nakagawa rin naman si direk ng isang bio epic, pero minalas nga iyong flop pa. Hindi nanood ang inaasahan nilang malaking audience.
Nautakan sila sa ginawang marketing strategy ng pelikula. Hindi inasahan ng pasok ng audience. Kumuha sila ng sponsors ng pelikula, kaya marami ang nanonood dahil libre.

Show comments