Kahapon na nagbakbakan sa takilya ang pelikulang Maid in Malacañang ng Viva at ang Katips ni Atty. Vince Tanada na kapapanalo lang sa FAMAS 2022.
Nakapanayam namin si Atty. Tanada sa radio program naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH nung nakaraang Martes, at isa-isa niyang sinagot ang ilang kumukuwestyon sa pelikula niyang Katips na humakot ng pitong awards sa nakaraang FAMAS.
Si Atty. Tanada ang nagsulat, direktor at producer nitong Katips at siya rin ang bida.
Nilinaw niyang ipinalabas daw sa mga sinehan nung bandang November ang pelikula niya, pero isang linggo lang daw ito sa sinehan dahil nag-surge daw noon ang COVID cases kaya natigil ang showing nila.
Pero ngayong tinapatan nitong Katips ang showing ng Maid in Malacañang, naging mainit ang patutsadahan sa social media.
Ewan ko kung totoong sinabihan daw ni direk Darryl Yap na “tanga” si direk Vince.
Sabi naman ng direktor ng Katips, sa inabot niya ngayon at nakapagtapos naman siya ng abogasya, sa tingin naman daw niya ay hindi siya tanga. “Meron pong ganun na tinawag na ‘tanga’ at ‘’kawawa.’ Pero sinabi ko nga na tayo po ay abogado, at hindi naman po tayo papatol dun sa mga ganung salita.
“Siguro naman po hindi po ako tanga dahil ako po ay abogado, ako po ay alagad ng sining, marami po akong alam gawin.
“Sinabi n’yo po kanina, kumakanta ako, umaarte, sumasayaw, nagsusulat, nagdidirehe, and at the same time, I’m also lawyer by profession at ako po ay litigation lawyer. Kaya hindi naman po siguro tayo tanga.
“At ang ‘kawawa’ din po, hindi naman po siguro tayo kawawa, dahil this is not my bread and butter.
“Alam n’yo naman na I’m just very passionate with my art. I just call this as my weekend thing, and this is just a good break to the monotony of legal profession.
“Tayo po ay nakapag-ipon naman na bilang isang abogado, at may maganda at kumportableng buhay. Siguro naman hindi naman po tayo kawawa, dahil napapaligiran naman po tayo ng pamilyang nagmamahal sa atin.”
Binanggit na rin ni direk Vince o Atty. Tanada na napapag-usapan na raw nila ng legal team niya itong mga ipinu-post ni Juliana Parizcova Segovia sa kanyang Facebook account na binabatikos ang pelikula niyang Katips at kinuwestiyon ang pagkapanalo nito sa FAMAS. Sabi ng lawyer at actor/film director: “Sana naman po, huwag po tayo mamihasa na hindi totoo lagi ‘yung mga binabalita.
“Kasi, iyan na tayo nagiging kultura na po tayo ng fake news. Lalong lalo na po ‘yung mga nagpapakalat, ay meron na po talagang imahe na puro peke ang mga ikinakalat na mga balita. Sana po, magkaroon na ng aral ‘yung mga nagpapakalat na ‘yan.
“In fact, nakikipag-usap na po ako ngayon sa aking…kasi alam n’yo naman po na ako ay abogado din at ang sabi ng aking mga partner dito sa aking law firm, ‘yung ipinalabas na post nitong dating nanalo sa Ms. Q & A na si Juliana ay totoong libelous ano? Talagang ito ay may malicious imputation para makapanira, na hindi naman talaga maganda no? Dahil ang libel ay isang krimen na dapat parusahan. Kaya nag-uusap-usap ang kampo po namin kung ano ang mga susunod na hakbangin dahil hindi po siya tumitigil hanggang sa ngayon.
“Kaya pag-uusapan po namin ‘yan kasama ng aking mga partners dito sa aming law firm.”
Mukhang mas sisiklab pa itong usapin sa dalawang pelikulang ito.
Dalawang bill ni Sen. Bong, batas na
Proud si Sen. Bong Revilla na ibinalita sa kanyang Facebook live nung nakaraang Martes na may dalawang bill siyang ipinanukala sa Senado na naging batas na.
Napirmahan na raw ng ating Pangulong Bongbong Marcos ang ipinasa niyang bill, ang Rep. Act 11909, tungkol sa gagawin nang lifetime ang mga validity ng Birth, Marriage at Death Certificate. “Marami kasi sa ating mga kababayan ang lumapit tungkol dito. Dati-rati kasi, ang patakaran dapat six months before issue ang mga certificate. ‘Pag more than six months ay kumuha ka uli ng bago. Hindi biro ang gastos at oras na kailangang ilaan para makakuha ng certificate na ito.
“Dahil sa batas na ito, ating isinulong at ipinagtanggol sa plenaryo. Hindi na kailangang paulit-ulit pang kumuha nito,” saad ni Sen. Bong.
Ang isa pang ikinatuwa niyang napirmahan na rin ni Pres. BBM ay ang Rep. Act 11916 na naglalayong padagdagan ang Social Pension ng mga mahihirap na senior citizens.
Ang dating 500 monthly na social pension ay ginawa nang P1K.
“Ipapatupad po ito sa pamamagitan ng DSWD.
“Dati ay twice a year ito ibinibigay. Kaya ang mangyayari, 6K every 6 months.
“Malaking tulong po ito sa mga matatanda. Sa kanilang panggatas o kaya vitamins.
“Kasama po ito sa patuloy nating commitment sa ating mga senior citizens,” dagdag na pahayag ni Sen. Bong.
May iba pa siyang bills na ipinasa at pinag-aaralan pa ngayon sa Senado.
Sana maaprubahan na rin ito kasama na ang isa pa niyang ipinasa para naman sa ating movie industry.