Alice hindi sumunod sa motif ng Gala Night, Dennis at Jennylyn absent Katips, naghakot sa FAMAS

Alice Dixson

Dalawang malaking event ang tinutukan nung nakaraang Sabado ng gabi, ang 70th FAMAS Awards Night sa Metropolitan Theater at ang Thanksgiving Gala Night ng GMA 7 na ginanap naman sa Shangri-La The Fort.

Mas star-studded siyempre ang GMA 7 Gala night kahit marami ring mga bagong mukha na hindi pa kilala ng karamihan.

As usual, standout pa rin ang mga nasa A list ng GMA 7 na sina Marian Rivera, Heart Evangelista, Dingdong Dantes, Gabbi Garcia, at gustung-gusto namin nung gabing ‘yun sina Maricel Laxa, Beauty Gonzalez at Rhian Ramos.

Tumaas lang ang kilay namin kay Alice Dixson na naka-yellow gown. Buhket?!

Malinaw sa invitation na black and white and old Hollywood ang motif, tapos nag-yellow? Para maiba lang ba o wala nang mahugot na maayos-ayos na gown sa cabinet niya?

Kapansin-pansin ang ‘di pagdalo ng Chairman at CEO ng GMA 7 na si Atty. Felipe L. Gozon.

Tinext ko kinabukasan ang Presidente ng GMA Films at Programming and Consultant to the Chairman and CEO na si Atty. Annette Gozon-Valdes, sinabi niyang masama lang daw talaga ang pakiramdam ng Daddy niya. “He wasn’t feeling well eh, nanghihina. But it’s not COVID naman (smile emoji),” text niya sa akin.

Ang pagkakaalam ko meron pa dapat na award na igagawad sa kanya na naka-assign kay Atom Araullo, pero hindi na ito naibigay.

Wala rin ang mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, na sila pa naman ang ilan sa inaabangan.

As of presstime, wala pa akong na-receive na sagot mula kay Becky Aguila kung bakit hindi dumalo si Jennylyn at ganundin si Popoy Caritativo for Dennis.

Malapit nang magsimula ang The Wall na ihu-host ni Billy Crawford, kaya dumalo ito kasama ang asawang si Coleen Garcia.

Isa ito sa shows na gagawin ng Viva sa Kapuso network. Kaya present din doon sina Cristine Reyes at Marco Gumabao.

Maayos naman ang first time na eleganteng selebrasyong ito ng GMA 7, na ewan ko kung yearly na ito gagawin.

May ilang nagku-comment na ikinukumpara sa Star Magic Ball, na hindi naman dapat dahil ilang taon na itong ginagawa ng ABS-CBN 2.

Samantala, napabuntung-hininga na lang kami sa resulta ng FAMAS na namahagi ng kanilang parangal nung nakaraang Sabado.

Nakuha ng pelikulang Katips ang karamihan sa major awards kagaya ng Best Picture, Best Director at Best Actor na si Atty. Vince Tanada.

Hindi na namin alam kung ano ang cut-off ng mga pelikulang niri-review ng FAMAS, dahil sa Aug. 3 pa lang ipalalabas sa mga sinehan itong Katips.

Si Charo Santos ang nanalong Best Actress ng pelikulang Kun Maupay Man It Panahon.

Si Janice de Belen ng Big Night ang Best Supporting Actress, at si John Rey Rivas ng Katips ang Best Supporting Actor.

Dumalo ang awardees na posibleng nasabihang magwawagi sila.

Nandun din ang ibang ginawaran ng special awards kagaya ng kauna-unahang Susan Roces Celebrity Award na iginawad sa National Artist na si Nora Aunor. Tinanggap din niya ang parangal na FAMAS Natatanging Alagad ng Sining.

Dumalo ang original superstar na okay na okay na raw ang kalagayan ngayon, dahil tumigil na raw siya sa paninigarilyo.

Ang pagkakaalam ko nga ay may gagawin siyang pelikulang ilalahok sa Metro Manila Film Festival.  

Andrew, ‘di nagpaalam kay Derek 

Magaling palang umarte itong bunsong kapatid ni Derek Ramsay na si Andrew Ramsay.

Napanood namin ang short film na Living in the Dead of Night na prinodyus ng production company nilang Cutaway Productions na dinirek ni David Olson.

Support lang si Andrew sa pelikulang ito na pinagbidahan ng isang taga-teatro ng UP na si Andre Miguel, pero magaling siya bilang isang pusher na nag-engganyo sa batang si Andre na magpakasabog.

Pinag-aralan naman kasi ni Andrew itong ac­ting career niya na kung saan sa Amerika pa siya nag-graduate ng kursong Bachelor in Fine Arts and Acting for Film sa New York Film Academy.

Nag-training pa siya ng acting sa Liverpool Institute for Performing Arts, the Royal Academy of Dramatic Arts at sa PETA o Philippine Educational Theater Association.

Pagbalik niya ng bansa ay napagdesisyunan niyang mag-focus sa pag-arte at nung nagsimula ang pandemya ay nabuo niya kasama ang mga partners ang Cutaway Productions.

Nandiyan naman daw ang suporta ng kapatid niyang si Derek Ramsay, na pati si Ellen Adarna ay tumutulong din sa kanya.

Ang grupo nga ni Ellen kasama ang ma­nager nito ang nag-aasikaso kay Andrew sa ginawang press preview ng Living in the Dead of Night na ginanap sa Cinema 76 sa Quezon City nung nakaraang Biyernes.

Sabi ni Andrew, nag-a-update naman daw siya sa Kuya Derek niya from time to time.

Hindi naman daw siya nagpaa­lam kay Derek nung pinasok na niya ang showbiz dito sa Pilipinas.

“To be honest, hindi naman ako nagpaalam sa kanya. Ever since I was young alam niya na pangarap ko is to become an artist. Pero alam niya na that I was starting my own company, and alam niya na I wanted to pursue this my own journey.

“Maybe I didn’t make paalam. I just kept him up to date na this is what I’m doing kuya. Hopefully we can work together sa future,” saad ni Andrew.

Si Andrew ng bida sa isang Cinemalaya entry na Ginhawa ni Christian Paolo Lat.

“Sarap sa pakiramdam kasi first time ko mag-feature length film sa Cine­malaya. Dati ko pa gusto mag-act sa tunay na Pilipino na concept,” pakli ni Andrew Ramsay.

 

Show comments