Mga award ng ‘di sikat, pinagdududahan

Iba’t iba ang criteria ng mga nagbibigay ng awards. Pero ano man ang criteria na kanilang gamitin, ang kuwestiyon pa rin ay katanggap-tanggap ba sa publiko ang ipinamigay ninyong award at ang mga pinapanalo ninyo? Iba ang kaisipan ng mga Pilipino.

Wala mang anomalya, basta nagduda sila sa choices ng isang award-giving body, ang sinasabi agad ay “nalagyan lang iyan.” Kasi nga may panahong talaga namang talamak ang lagayan sa mga award, hindi na inililihim iyon.

Hindi lang malaking halaga ang lagayan, kung minsan kasama pa roon ang magagastos na tour sa ibang bansa. Minsan malinis ang awards, pero may duda pa rin ang mga tao. Minsan hindi halos maipaliwanag ng mga respetadong kritiko na naging hurado sa film festival kung papaanong tinalo ng kilalang stuntman na si Baldo Marro, ang kinikilalang mahusay na actor na si Christopher de Leon bilang best actor. Kami man ay natawa sa desisyong iyon. Pero iginiit sa amin noon ng kilalang manunulat at kritikong si Estrella Alfon “panoorin mo muna ang pelikula.” Ginawa namin iyon at mukha ngang lamang ang acting ni Baldo.

Pero iyon nga, natanggap ba ng publiko na tinalo ni Baldo si Boyet? Siyempre hindi pa rin, kaya ang karangalang iyon ay hindi nakatulong sa career ni Baldo.

Ilang taon ang nakararaan, may best actor na namang hindi na namin babanggitin kung sino, naging best actor din. Ang masakit, tinatanong ng mga tao “artista ba iyon.”

Mahirap ding manalo ng awards, baka akala ninyo, lalo na’t kung ang kalaban mo sa kategor­ya ay mga kinikilalang artista. Kaya nga sila sikat eh, kasi mas marami ang naniniwalang magaling sila. Kaya iyong hindi ka sikat, tapos mananalo ka ng award, at hindi ka tatanggapin ng publiko dahil hindi ka kilala, masakit iyon. Buti pa hindi ka na nanalo.

Dating child actress na si Tessie, binisita ang sariling star sa Walk of Fame

Ang dating child actress na gumawa ng napaka­laking hit na pelikulang Roberta noong ‘50s, na si Tessie Agana, ay umuwi sa Pilipinas para sa isang bakasyon, at sinamantala niya iyon para makita ang “star” na may pangalan niya sa Walk of Fame Philippines. Bukod doon, nakita rin niya ang isang “star” na kung saan nakalagay naman ang panga­lan ng kanyang ina, ang aktres na si Linda Estrella na naging artista rin ng Sampaguita pictures. Naroroon din ang star ni Dr. Jose Perez, na kinikilalang star builder at producer ng Sampaguita Pictures na tiyuhin niya, at ni Manay Ichu Maceda na pinsan niya.

Masayang-masaya ang dating child star na senior citizen na rin ngayon. Sinasabi nga niyang ang pagdalaw niya sa Pinas mula sa US ay sulit na nang makita niya ang Walk of Fame. Isipin ninyo, kung hindi naisipan ni Kuya Germs (German Moreno) ang Walk of Fame na iyan, at ginastusan ang sarili niyang pera, papaanong maaalala ang mga datihang artista? Iyan ang isang award na bunga ng pagmamahal ni Kuya Germs sa kanyang kapwa artista. Iyan ang isang parangal na masasabi na­ting “walang lagayan,” at ang nag-asikaso niyan ay “wala ring tulugan” sa tuwing may bago siyang ilalagay na pangalan.

Mga mahahalay na pelikula, hiwalay ang parangal sa Amerika   

Sa America ay may hiwalay na awards para sa porno films. Mayroon nga silang awards para sa “gay films.” Dahil nauuso na ngayon sa Pilipinas iyang mga pelikulang mahalay at iyong mga pelikula ng gays, hindi malayong may magsimula na rin ng awards para sa mga ganoong klaseng pelikula.

Pero papaano kaya dadalo sa awards night ang mga artista nila, nakahubad din?

Show comments