Sanya at Marco, magtatambal!
Magkakatambal sa susunod na serye ni Sanya Lopez sa GMA 7 si Marco Gumabao. Mali ang sinasabing baguhan si Marco sa Kamuning. Si Marco ay nasa ilalim ng Viva, at siguro nga nahiram siya o baka collaboration project iyan ng GMA at ng Viva.
Magandang kumbinasyon kung tutuusin. Hindi natin maikakaila na si Sanya ay consistent top rater ng GMA, pero sa dalawang magkasunod na serye, ang leading man niya ay si Gabby Concepcion, na kahit anong tingin pa ang gawin natin, kahit na sabihing si Sanya ang title role, si Gabby ay mas malaking star pa rin.
Ngayong makakatambal niya si Marco, match lang sila, baka nga masabing lamang pa siya dahil nakagawa siya ng top rating series na siya ang bida. Si Marco ay wala pang ganyan, pero malakas ang hatak niya sa fans.
Hindi rin naman masasabing sa lahat ng pagkakataon umiiral ang hatak niya sa fans, itinambal siya kay Sharon Cuneta, pero hindi niya nahatak iyon. Mahina ang kanilang internet movie. Kaya kung magiging hit ang serye nila ni Sanya, malamang na ang aktres ang mas makakuha ng credits ngayon.
Pero ang hitsura nila at edad nila ay nagco-compliment. Mukha ngang mas bagay sila.
Nauna riyan sinasabing ang gustong itambal kay Sanya ay si John Lloyd Cruz. Bukod sa mas malaki na naman ang agwat ng edad nila ni John Lloyd, sikat na actor iyon at ang kredito kung mag-hit man, siyempre kay John Lloyd pabor.
Renz, pinasa na sa diyos ang problema ng kanilang pamilya
Hindi naikaila ni Renzo Cruz na may misunderstanding ang kanilang pamilya nang maka-chat namin noong isang gabi.
“Napakahabang istorya niyan Tito, at para sa akin ipinapasa-Diyos ko na lang iyan,” sabi niya sa amin.
Hindi agad nakasagot si Renzo nang tanungin namin siya at dahil naungkat na naman ang pagbibigay ng kapatid niyang si Sheryl ng eulogy sa yumao nilang tiyahing si Susan Roces sa pamamagitan ng social media.
Maging ang pagpo-post noon ni Renzo na namatay na nga ang kanyang tiyahin, minasama pa ng iba dahil inunahan pa raw ang official announcement ng pamilya.
Pero tama ang attitude ni Renzo, kung may mga hindi man sila mapagkasunduan, may kanya-kanya na naman silang buhay. Ipagpasa-Diyos na lang ang lahat.
Ghosting, may demanda na
Kung makakalusot si Congressmam Arnulfo Teves na ideklarang ‘emotional offense’ nga ang ‘ghosting,’ ilang artista kaya ang makakasauhan agad?
Usung-uso sa show business ang ‘ghosting.’ Sa show business hindi lang babae ang biktima nito maski mga lalaki rin.
Tuad ng isang matinee idol na walang kamalay-malay naipagpalit na pala siya ng girlfriend niyang aktres sa ibang lalaki.
Kung magiging batas iyan, kasong criminal na nga iyan at maaari silang makulong.
- Latest