Sinagot ni direk Darryl Yap ang mga pahayag ni direk Joel Lamangan tungkol sa pelikulang Maid in Malacañang.
Nagsalita si direk Joel sa nakaraang launch ng ML @ 50 na kung saan ginugunita nila ang Martial Law, 50 years na ang nakaraan.
Sinabi niya ang kahunyanguhan at katarantaduhan ang ipinapakita sa pelikulang ito ni direk Darryl Yap.
Bahagi ng kanyang talumpati: “Lahat ng kawalanghiyaan ay sinasabi. Dini-distort ang kasaysayan.
“Hindi tinuturo ang totoong nangyari. Nais magbago ng pangalan. Nais lokohin ng lahat ng ating mamamayan.
“Nakita ko ang rushes ang mga tao raw nagpunta sa Malacañang na nakasulo. Wala naman kaming sulo nung araw. Ala namang sulo! Hindi totoo ‘yun! Ano ‘yun lamay?
“Puro kasinungalingan, puro katarantaduhan ang mga sinasabi. Huwag natin paniwalaan. Ilagay natin sa ating balita. Ilagay natin sa ating dula, sa ating sining, sa ating pelikula ang totoo.
“Tulungan natin ang ating mga kabataang malaman kung ano ang katotohanan. Ayokong dumating ang panahong na mabura na ang ating mga pinaghirapan.”
Nabasa ni direk Joel ang sagot na ‘yun ni direk Darryl Yap, at nilinaw niyang hindi siya nakipag-away o nakipagtalo sa direktor ng Maid in Malacañang.
Hindi nga raw niya nabanggit ang pangalan ni direk Darryl.
Gusto lang daw niyang iwasto ang mga kamaliang ipapakita sa pelikulang ‘yun.
Sa pictures lang daw niya nakita na nakasulo ang mga taong sumugod sa Malacañang.
Nandoon daw siya nung nangyari ‘yung paglisan ng Marcos family sa Malacañang at nasaksihan daw niya lahat.
Pahayag ni direk nang nakapanayam namin sa DZRH nung nakaraang Biyernes ng gabi: “Ang sinasabi nila na ang mga sumugod doon sa Malacañang ay may hawak na sulo. At ang pumanhik dun sa gate sa Malacañang ay mga akyat-bahay daw. Aba! Hindi totoo ‘yun! Isa ako sa nandun. Nasaktan ako. Hindi totoo ‘yun ha? Hindi totoo.”
Hindi pa naman daw niya napanood ang pelikula. Pero sa nakikita raw niya sa teaser at sa still photos, nararamdaman daw niyang iba ang ipapakita sa pelikulang ito. “Kaya hindi dapat gawing ganun. Kung ganoon ang ginawa nila, maaaring ang buong istorya ay maaaring ganun.
“Sabi ko ang dapat ang kasaysayan ay hindi man dapat… ang istorya na ibinatay sa kasaysayan ay hindi man dapat batay sa kasinungalingan. ‘Yun lang naman ang mga sinabi ko.
“Hindi ko alam kung kasinungalingan kasi hindi ko pa napanood. Pero ang nakita kong litrato ay kasinungalingan. Kaya nasabi ko, baka ang kanilang gagawin ay kasinungalingan. Kasi, ano bang istorya ang gagawin mo kundi kaawaan ang mga taong naroroon dun sa Malacañang na nagnakaw ng pagkarami-raming pera ng bayan.
“Gustong kaawaan ng mga tao sina Marcos, samantalang ano ba ang pagkaabalahan nila sa panahon na ‘yun kung papano nila lilimasin ‘yung pera. Saan ilalagay ang mga gold. Saan ilalagay ang mga… ‘yun ang pinagkakaabalahan nila. ‘Yun ba ang ipapakita nila? Kung ‘yun ang ipapakita nila, ay papalakpak ako!,” dagdag niyang pahayag.
Alam niyang bata pa si direk Darryl at hindi pa raw nito nasaksihan at nalaman ang buong katotohanan nung rehimeng Marcos. Kaya bilang isang taong nakakaalam ng mga pangyayari, dapat na magsalita at sabihin kung ano talaga ang totoong pangyayari.
“Papanoorin ko. Titingnan ko kung ano ang tama at hindi tama. Sasabihin ko kung ano ang hindi tama,” bulalas ni direk Joel.
“Ako naman ay hindi galit kay Darryl Yap. Dahil bata pa ‘yan e. 1987 pa lang siya ipinanganak. Hindi pa niya alam kung ano ang nangyari noon. Sanggol pa lang siya, hindi pa niya alam kung ano ang nangyari diyan.
“Nirerespeto ko rin naman siya e. Kaya lang, ang ayaw ko lang ng isang kabataang kagaya niya, ang bagong direktor ay magiging instrumento sa pagbubulag sa katotohanan. Dahil hindi maganda ‘yun. Walang pupuntahan ang kanyang ginagawa kung mapupunta siya sa doon. Dapat hindi nagbubulag kundi nagtatama ng kung ano ang totoo.
“Ang sinasabi ko lang, kung may kuwento ka man, dapat ay kuwentong nakabatay sa totoo,” sabi pa ni direk Joel Lamangan.
Alden at Bea, nangunguna sa Kapuso 72nd anniversary
Isi-celebrate sa All-Out Sundays ngayong tanghali ang 72nd anniversary ng GMA 7.
Sina Alden Richards at Bea Alonzo ang mangunguna sa Kapuso stars na ipagdiwang ito.
Irarampa ang bigating Kapuso stars na bida sa drama series, at meron ding big reveal AOS Lounge.
Dito na rin ang grand promo ng bagong programang TiktoClock nina Pokwang, Rabiya Mateo at Kim Atienza. Sa Lunes na magsisimula ang TiktoClock, kaya todo promote na ngayon ang tatlong hosts.