David tiyak na sa kulungan, kasong scam sa bansa nabuhay

David Bunevacz.

Makukulong o nakulong na si David Bunevacz, ang atletang naglaro para sa Pilipinas, matapos siyang uma­ming guilty sa dalawang kaso ng scam sa California, kung saan siya naninirahan kasama ang kanyang pamilya simula nang umalis sa Pilipinas. Mayroon ding bintang sa kanya na tinangay niya ang pera ng isang derma clinic na noon ay mina-manage nila ng asawang si Jessica Rodriguez nang umalis siya sa bansa. Kung natatandaan ninyo, si Jessica ay nag-artista rin noong araw at unang naging asawa ng dating actor na si Benedict Aquino. Mayroon din silang isang anak na lalaki bago nagkahiwalay at naging asawa na nga ni Jessica si Bunevacz. Ayon sa reports, napaniwala ni Bunevacz ang kanyang investors sa isang negos­yo na nang malaunan ay lumabas naman na hindi pala totoo. Noong Abril pa pala siya hinuli at nakakulong.
Dito sa atin, bukod sa pagiging artista, naging manager din si Jessica ng mga artista, pero aywan kung magdedesisyon siyang umuwi ng Pilipinas kung tuluyan na ngang makukulong si Bunevacz dahil may mga naiwan din silang atraso sa Pilipinas, at maaaring pati siya ay habulin din. Ang bintang sa kanila roon ay nadispalko nila ang pera ng mga investor dahil sa maluho nilang pamumuhay. Ganoon din ang naging akusasyon sa kanila dito, kabilang na ang pagbili ni Bunevacz ng isang luxury car para sa kanyang asawa. Mabait naman sana iyang si David at si Jessica, at mahusay makisama sa kanilang mga kaibigan. Hindi lang namin alam kung bakit magulo sila sa negosyo.

BOOTS, TANGGAP NA HINDI KIKITA ANG MMFF

Practical lamang si Boots Anson Rodrigo nang sabihin niyang hindi niya inaasahang makakaya ng MMFF na kumita ang mga pelikula gaya noong pre-pandemic. Una, aminin natin na mahirap pa ang buhay. Tumataas pa ang presyo lalo na ng pagkain, at kung magpa-Pasko, natural lang na unahin ng mga tao ang pagkain kaysa sa panonood ng sine. Ikalawa, nagtaas ng admission prices ang sinehan. May dagdag silang gastos dahil sa sanitation pagkatapos ng bawat screening, ang pagpapatupad ng social distancing na na ibig sabihin hindi dapat puno ang mga sinehan. Tumaas na rin ang kur­yente na siyang pinakamalaking gastos ng mga sinehan, at ang sahod ng kanilang tauhan. Hindi na ganoon karami ang mga sinehan, lalo na sa malls na isinara na ang iba.

Magtatapos na serye ni AiAi, nasilip ng MTRCB sa violence against women

May natanggap kaming kopya ng isang res­ponse ng dating chairman ng MTRCB, si Atty. Jeremiah Jaro, na nagsabi sa isang complainant na ang kanyang concern ay pinag-aaralan na ng isang committee ng board.

Iyon ay dahil diumano sa isang eksena sa serye ni AiAi delas Alas sa Channel 7 kung saan may eksenang “sinikmuraan ni Gary Estrada si Valerie Concepcion,” na sinasabi ng complai­nant na maliwanag na nagpapakita ng “violence against women.”

Kung may makikita ngang ganoon, na ibig sabihin ay hindi nakita o pinalusot ng committee ng MTRCB na nag-review noon, ipatatawag naman nila ang GMA para sagutin ang akusasyon. Pero mabuti naman at kahit na nasa hold-over capacity lang ay kumikilos pa rin pala si Jaro.

Show comments