Bida ang mga tita ngayong Sabado (Hulyo 23) sa pagdiriwang ng MMK ng World Aunt’s Day sa isang kwento ng pag-ako ng responsibilidad ni Marlita (Irma Adlawan) na alagaan ang kanyang pamangkin na si Joy (Elisse Joson) matapos itong iwan ng ama para sa ibang pamilya nang mamatay ang kanyang ina.
Sa umpisa pa lang, malaking sakripisyo agad ang ginawa ni Marlita para sa pamangkin na si Joy at kapatid nito. Bukod sa paglayo sa mga magulang at kinagisnang buhay sa Samar, tinanggihan din nito ang alok na kasal ng nobyo nang hindi nito tinanggap ang kanyang mga pamangkin.
Sa pagdaan ng panahon, mas napalapit ang loob ni Marlita kay Joy na tinuring siyang matalik na kaibigan at ‘mama.’ Labis nga ang paghanga ni Joy sa kabaitan at sakripisyong ginawa ng kanyang tita sa kanila.
Kaya naman nang ipaako sa kanya ng kanyang madrastaang pag-alaga sa half-sister niyang si Sophia ay agad siyang pumayag. Alamin kung paano tinaguyod ni Joy ang pag-aalaga sa kapatid sa tulong ni Marlita.
Patuloy na panoorin ang mga nakakaantig na kwento ng mga Pilipino sa MMK tuwing Sabado sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, and iWantTFC.
Lyca Gairanod, mapapanood na rin sa GMA 7
Mapapanood na sa kauna-unahang pagkakataon sa GMA ang champion ng The Voice Kids Philippines Season 1 na si Lyca Gairanod sa The Boobay and Tekla Show ngayong Linggo, July 24.
Sa special episode ng well-loved comedy program, ibabahagi ni Lyca ang kanyang buhay bilang vlogger, artista, at isa sa successful singers ng kanyang henerasyon.
Magpapakitang gilas din si Lyca sa pag-arte bilang kontrabida sa isang nakakatawang improvised segment kasama sina Boobay at Tekla. Kasali rin siya sa iba pang laro at mga pakulo ng naturang show.
Indie-alternative rock duo na Dilaw, nagbabalik sa kanilang ikalawang single
Nagbabalik ang Dilaw, ang rock duo ng Warner Music Philippines.
Matapos silang gumawa ng ingay dahil sa kanilang kakaiba at modernong protest music at socio-political lyricism – opisyal na nilang nilabas ang kanilang ikalawang single na pinamagatang Kaloy.
Ang mga tagahanga nina Dilaw Obero at Vie Dela Rosa ay tiyak na maliligayahan sa bago nilang single dahil walang takot nitong ipinahahayag ang isa na namang mahusay at nakakaaliw na pagpapakita sa mga pinagdaraanan ng mga Pilipino.
“Sinasaad sa Kaloy ang mga pinag-uusapan ng mga regular na tao at ang kanilang mga kontribusyon gaano man kalaki o kaliit sa lipunan,” ayon sa duo. “Nais naming ipamahagi ang mensahe sa lahat na yakapin ang kabutihan, manindigan, at maniwala sa isa’t isa.”
Nagmula ang Dilaw sa Baguio kung saan nagsimula sila nuong 2019 nang simulan ni Obero ang kanyang karera sa musika at kung saan din inambag ni Dela Rosa ang kanyang talent sa genre ng rock n’ roll. Nilabas nila ang kanilang unang single sa ilalim ng Warner Music na pinamagatang 3019, at pinuri ito ng fans at ng mga kritiko dahil sa mensahe nito ukol sa hustisya at korapsyon. Matapang din na nilabas ng Dilaw ang kanilang musika sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng live performances at isang music video na talaga namang ikinatuwa at sinuportahan ng lahat.
At handa na silang gawin ang lahat muli. Totoo ang sigaw ng Dilaw na maraming dahilan upang ipagpatuloy ang laban para sa ama at may kagandahang taglay ang isang musical revolution.
Mapapakinggan ang Kaloy sa lahat ng mga digital music at streaming platforms.