Juday, tigil sa pagluluto
Pansamantalang napatigil ang paggawa ni Judy Ann Santos ng cooking videos para sa sariling YouTube channel na Judy Ann’s Kitchen.
Ayon sa aktres ay mahirap kumilos ngayon lalo pa’t nagmahal lalo ang presyo ng mga bilihin.
Limang buwan na ang nakalilipas nang huling mag-upload ng kanyang cooking video ang aktres sa online channel. “Ang hirap kasing mag-isip ng mga episodes especially kung ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay napakalala. Ayokong hindi maka-relate ‘yung viewers sa kung ano mang lutuin ang gagawin ko. Kasi parang napaka-unfair naman. Tuma-timing lang din naman ako. After lang din ako roon sa reality ba,” paliwanag ni Judy Ann.
Humahanap lamang umano ng bagong inspirasyon ang aktres upang ipagpatuloy ang paggawa ng cooking videos para sa kanyang online show. “Eventually, gagawa. Gumagawa ako ng episode ng Judy Ann’s Kitchen ‘pag nabuo ko ‘yung sarili ko, ‘yung gusto ko siya. Inspired ako kasi outlet ko ang Judy Ann’s Kitchen. Ayoko siyang tratuhing trabaho. ‘Pag trinato ko siyang trabaho, mawawala na ‘yung genuine authenticity,” makahulugang pahayag niya.
Nagsimula ang Judy Ann’s Kitchen apat na taon na ang nakalilipas. Mayroon na itong 1.7 millon subscribers sa ngayon.
Nadine, sabik makabalik sa sinehan!
Magbibida si Nadine Lustre sa pelikulang Deleter ng Viva Films.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakatrabaho ng aktres si Mikhail Red para sa bagong proyekto. “Super excited ako to do this film, my first psychological horror. I’m also very excited to work with direk. Kasi to be honest, I haven’t seen any of his films. Pero there’s Dead Kids, Block Z, and these are very innovative and very challenging films. And ako, I’m up for the challenge talaga dahil masarap talagang gumawa ng pelikula na out of my comfort zone,” nakangiting pahayag ni Nadine.
Siniguro ng dalaga na talagang maganda ang kalalabasan ng naturang psychological horror film bago niya ito tanggapin. “Ayoko ‘yung puro jumpscare lang, tapos puro nakakatakot lang. Nai-enjoy ko po kapag ‘yung pelikula meron siyang backstory, merong malalim na kwento. Gusto ko ‘yung mga pelikula na parang after mo siyang panoorin may ilang days ko siyang iisipin. After kong panoorin ‘yung isang favorite ko na film talagang every time kailangang lumilingon ako at nagchi-check ako kung may tao. Kasi may gano’n din sa film,” kwento ng aktres.
Makakasama ni Nadine sa Deleter sina McCoy de Leon at Louise delos Reyes.
Umaasa ang aktres na bukod sa Vivamax ay mapapanood na rin sa mga sinehan ang bagong pelikula. “Gusto ko siyang makita on the big screen. Nakaka-miss kasi ‘yung premiere night. Ang tagal ko nang hindi nakanood ng sine,” pagtatapos ng dalaga. (Reports from JCC)
- Latest