Nagsimula na palang mag-taping sina Vic Sotto, Pauleen Luna at Talitha ng comedy show nilang Love, Bosleng & Tali na mapapanood sa Net 25.
Hindi lang kami nakahingi ng pictures sa kanila dahil hindi pa raw puwedeng ilabas.
Pero hindi pala ito ang typical na sitcom na napapanood natin. Kakaiba raw ito na parang comedy anthology, tapos magbibigay ng opinyon o payo silang tatlo.
May sariling take si Bossing Vic, meron din si Pauleen, at ang nakakatuwa rito may masasabi rin si Tali.
Surprisingly, ang dali kasing matuto at nakakabisado ni Tali ang mga itinuturo sa kanya. Kaya na-absorb niya ang lahat na nakikita at nababasa niya.
Comedy raw ang approach, kaya ibang-iba raw ito sa mga madalas nating napapanood na sitcom.
Tinanong ko na rin si Pauleen kung magkano kaya ang talent fee dito ni Tali.
Natatawa si Pauleen, dahil pati raw ang talent fee nila ni Bossing Vic ay mapupunta na rin kay Tali.
Nakikita raw kasi nilang nagi-enjoy ang bagets, na parang naglalaro lang ito.
Ang Brighlight Productions ang producer nito, at parang nila-line produce ng MZet Productions ni Bossing Vic.
Raymart, hinahanap nila Randy
Malapit nang matapos ang Ang Probinsyano at siguro ay magkakaroon na ng panahong mag-bonding ang Santiago Brothers na sina Rowell, Raymart at Randy Santiago.
Busy silang magkakapatid na kapag may espesyal na okasyon lang daw sa pamilya sila nagkikita-kita.
“Kasi most of the time, nandun sila sa probinsya e. May viber naman kami e,” pakli ni Randy nang nakatsikahan namin sa Kiddiecon at mall show ng Sing Galing Kids na magsisimula na sa Sabado, sa TV 5.
Sana magkaroon daw ng chance na magkikita-kita sila ulit. “Lalo na ngayon, 2 days from now, birthday ng kapatid ko, tapos si Raymart July 20. Nagkikita-kita kami. Hindi ko alam…especially kay Raymart….saan ka ba?” natatawang sambit ni Randy.
Minsan sa ilang pagtitipon ay nakakasama raw ni Raymart si Jodi Sta. Maria at okay naman daw sila, dahil matagal na rin naman daw silang magkakilala.
“Ayos!” mabilis na sagot ni Randy nang kinumusta namin si Jodi sa kanya. Even before them di ba? Nakilala na natin si Jodi. Nakakasama ko pa si Jodi sa Amerika, nung kasama ko pa yung husband niya dati di ba?” dagdag nitong pahayag.
Kararating lang ni Randy galing Amerika na kung saan ay nag-concert tour siya roon. Pero maliliit na shows lang daw na tig-200 hanggang 250 seats lang ang venue na pinagtanghalan. Pero nai-enjoy daw niya iyun dahil intimate ang performance at nakakasalamuha niya ang mga kababayan natin doon. “Sobrang missed ng mga Pinoy, e, grabe. Kumbaga, kulang na lang… yun bang binabalikan mo,” pakli pa ni Randy sa aming interview.
Sobrang nai-enjoy niya ang Sing Galing, pero magkakaroon kaya ng conflict kung sakaling kunin siya ni Willie Revillame para sa mga programang gagawin nila sa AMBS? “Sabi ko kay Kuya Wil, tingnan natin ‘to kung ano man yung obligasyon natin sa Sing Galing. Hindi naman natin basta-basta maiiwan di ba?” medyo naaalangang sagot sa amin ng Sing Galing Sing Master.
Pero madalas nga raw silang nag-uusap ni Willie at malaki talaga ang tsansang magkatrabaho sila ulit kapag mas active na ngayon ang AMBS Network ng dating Sen. Manny Villar. “Marami siyang plano kasi e. So, I’m there to help. Di ba anytime soon gusto na niyang umpisahan e. So, yun,” sabi pa ni Randy.