MANILA, Philippines — Ipinaliwanag ng aktres at food vlogger na si Judy Ann Santos kung bakit pansamantalang hindi muna siya gumagawa ng Youtube videos — aniya, baka hindi na raw kasi afford ng karaniwang Pinoy gayahin ang mga ito sa taas ng presyo ng bilihin.
Ani Juday, tila “unfair” ito sa mga hindi kayang bumili ng mga sangkap na ginagamit sa vlog na “Judy Anne’s Kitchen." Matatandaang Enero pa ang huling cooking vlog ng aktres.
Related Stories
“Hindi naman sobrang busy. Ang hirap kasing mag-isip ng mga episodes especially kung ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay napakalala," wika niya sa "Magandang Buhay" nitong Lunes.
"Ayokong hindi maka-relate ‘yung viewers sa kung anumang lutuin ang gagawin ko kasi parang napaka-unfair naman."
“Ayoko lang na parang masabihan ako na, ‘luto ka nang luto, ‘di naman namin magagawa ‘yan."
Matatandaang pumalo sa 6.1% ang inflation rate ng Pilipinas nitong Hunyo, ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa sa mahigit tatlong taon.
Huling beses na mas mataas ang inflation noong Oktubre 2018 nang humataw ito sa 6.9%. Sa bilis ng pagtaas ng mga presyo, pinagdudahan pa nga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang datos ng Philippine Statistics Authority.
Binigyang-diin ni Juday na sa kalaunan ay babalik siya sa paggawa ng content para sa sikat na cooking vlog, ngunit naghahanap pa raw siya ng “right timing” para gawin ito.
Sa ngayon, kinukunsidera niya raw ang “Judy Ann’s Kitchen” bilang "outlet" kaya naman ginagawa niya lang daw ang mga episodes sa tuwing inspired siya.
“Ayoko siyang tratuhing trabaho. Kapag trinato ko siyang trabaho, mawawala na ‘yung authenticity,” saad pa ng batikas aktres na sumikat nang husto noong Dekada '90.
Kasalukuyang guest host sa “Magandang Buhay” si Juday kasama sina Melai Cantiveros at Jolina Magdangal. Sinimulan niya ang kanyang stint sa morning show noong Hunyo 21, nang palitan niya si Regine Velasquez na umalis noong Hunyo upang maging hurado ng "Idol Philippines." — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan