Bilang host o Singmaster ay sobrang excitement ang naramdaman ni Randy Santiago nang mabalitaan na magkakaroon ng Sing Galing Kids.
Unang napanood sa TV5 ang bagong Sing Galing noong April, 2021. Nagkaroon din ng Sing-lebrity Edition na nagtapos naman nitong March 5 lamang.
Simula July 16 ay mapapanood na tuwing Sabado ng gabi ang pinabagong programa ng Kapatid network. “Nakakatuwa when I was given the information na sabi ang susunod natin ay Sing Galing Kids. Of course alam naman natin ‘pag ‘yung mga bata na pinag-usapan. Nakakatuwa, maraming mga nangyayari. Madami tayong ie-expect itong season na ito. Tinatawag nating kids invasion, ‘di ba? Papasok na ang mga kabataan na alam naman natin makukulit, ang gugulo, ‘yon ang mangyayari sa set namin. This is pure entertainment hindi lang sa kids kundi sa kanilang proud mama and papa na kasama namin sa studio. Siguradong mag-i-enjoy ang buong pamilya,” nakangiting pahayag ni Randy.
Para kay Mr. Private Eyes ay mas mahihirapan siya ngayon sa mga bata o Sing Kulits kumpara sa regular contestants ng naturang show. “Mahirap ‘yon ah. Alam mo naman medyo pilyo tayo when it comes to hosting but of course when it comes to handling the kids medyo kailangan, medyo maayos ‘yung pagha-handle natin sa kanila. You’re talking to kids, 6 to 12 years old. Ang importante naman bini-baby talk din naman sila eh. Kasi magandang balikan ‘yung mga alaala noong pinapalaki ko sina Rafael, Ryan at Ryko (mga anak ng singer). Habang lumalaki sila kung paano ko sila kinakausap. ‘Yon ang ia-apply natin para sa ating Sing Galing Kids,” paliwanag ng singer.
Bukod sa pagiging host ay magsisilbi ring ‘Ninong’ si Randy ngayon para sa mga batang kasali sa Sing Galing Kids. “Naatasan akong maging ninong Randy. Kailangan maging galante ako sa kanila. Kailangan lagi akong handa kung ano ang pwede kong ibigay sa kanila na papremyo. Mas maganda ‘yung binibigyan ng additional premyo para sa mga kabataan natin. Lalung-lalo na kapag umabot tayo ng Christmas, ‘di ba? Palaki nang palaki ang premyo mula kay ninong. Siyempre sa lahat naman ng ating mga Jukebosses at ating Singmasters ay talaga namang mga galante kaya huwag silang mag-alala,” pagbabahagi niya.
Ibang kaligayahan din ang nararamdaman ng singer sa tuwing nakakapanood ng batang nagtatanghal.
Bukod sa pagkanta ay masasaksihan din sa Sing Galing Kids ang iba’t ibang talento ng mga batang contestants. “Lagi naman talagang entertaining ang mga kids dahil iba-ibang characters sila. May mga mahiyain, merong malalakas ang loob. Merong iba ‘pag pakakantahin mo iiyak na lang, merong iba bibung-bibo. So iba-ibang character bawat isa. At ‘yan ang masasaksihan natin, ‘yan talaga ang mga exciting part,” pagdedetalye ni Randy.
Kasama ng singer bilang Singmasters sina K Brosas at Donita Nose. Sina Rey Valera, Ethel Booba, Gloc 9, Morissette at Jona naman ang mga Jukeboss ng Sing Galing Kids. (Reports from JCC)