Babu na sa pulitika si former Taguig mayor Lino Cayetano.
Babalik na siya sa kanyang original career, ang pagdidirek, at ngayon pagpo-produce ng digital series.
Actually, nung mayor pa siya ay nakabuo na siya ng grupo ng mga dating katrabaho at kaibigan kaya nai-produce nila ang Bagman ni Arjo Atayde na umani ng magagandang review nang ipalabas ito iWantTFC at Netflix.
At ang new project nila, series, starring Ian Veneracion and Heaven Peralejo.
Naka-three terms din siyang Mayor ng Taguig at hindi na siya tumakbo ulit nang sabihin sa kanya ng sister-in-law na si Lani Cayetano na babalik siya last election. “Nu’ng nagsabi si Mayor Lani na gusto niyang tumakbo, nagbigay-daan ako, parang nakita ko ‘yung sarili ko na mas marami akong pwedeng gawin dito sa industriya,” pahayag ni direk Lino kahapon sa isang interview.
Sa StarStruck siya nag-umpisa hanggang mapunta siya sa ABS-CBN at nakagawa ng maraming teleserye.
Pero hinatak siya ng pulitika.
Sa kanyang pagbabalik, ang dami niyang iniisip gawin. “Na ‘yung experience ko, ‘yung napagdaanan ko bilang isang Mayor ng isang malaking syudad, lalong-lalo na noong pandemya, ‘yung experience ko being a local chief executive, bringing that here and running a small company and working with the other networks to be able to produce more material.
“Hindi lang ‘yung marami akong matutulungan sa industriya natin pero more than that, ‘yung makapagkuwento pa at makabuo pa ng mas maraming mga kwento,” aniya.
Tinatag nila ang Rein Entertainment noong 2017.
At bago matapos ang taon, nagpaplano rin siyang magdirek ng pelikula.
Sa kanyang pagbabalik naitanong sa kanya kung handa ba siyang makatrabaho o idirek ulit si KC Concepcion na kanyang ex-girlfriend? “Ay oo naman, friends naman kami,” agad-agad na sagot ni Direk Lino.
At wish niya kay KC, ang maging successful ang ginagawa nitong movie sa New York sa kasalukuyan, ang Asian Persuasion. “Sana, maging successful. I know she’s shooting a movie abroad.”
Kaya naitanong na rin sa kanya kung anong masasabi niya bilang direktor at producer na rin sa ginawa ng grupo ni KC na nag pagri-raise ng funds para matapos ang nasabing pelikula? “As a producer, naiintindihan ko ho na a project has a life of its own. And ‘yun nga, kahit naman ho, may mga involved sa proyektong ‘yun na malalaking tao, kahit na may production arm or producer na involved, every project has a life of its own. Baka maliit lang ‘yung budget at maliit lang ‘yung ikinkuwento ng pelikulang ‘yun. Pero hindi ko ho masyadong alam ang detalye,” maayos na paliwanag ni direk.
Anyway, ayaw pang magbigay ng ibang detalye ni Direk Lino sa proyekto nina Ian and Heaven pero napahanga siya sa dalawa dahil nakita nila ang eagerness ng mga ito sa ginagawa nila.
Kasalukuyan na silang nagso-shooting sa Tagaytay.
Pinag-usapan kahapon sa Take It! Take It! Me Ganon?! nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang naudlot noong pag-upo ng veteran actor na si Tirso Cruz III bilang chairman ng FDCP.
Ito ‘yung panahon ni Pres. Noynoy Aquino.
Ang akala ng lahat ay ang mahusay na aktor na ang uupo at marami na ang nag-congratulate sa kanya noong 2010.
Pero ang indie director na si Mr. Briccio Santos ang namuno noon kung saan pinalitan niya sa Mr. Jackie Atienza sa FDCP.
After 12 years, natuloy na ang pagiging chair ni Tirso ng FDCP na anim na taon pinamunuan ni Chair Liza Diño.
Kahapon ay nanumpa na siya sa Malacañang.
Maraming nakabinbing proyekto si Chair Liza sa FDCP matapos ang reappointment niya bago umalis sa puwesto si Pres. Duterte.
Samantala, napabilib naman sina Nay Lolit at Mr. Fu kay Ella Cruz na bigla siyang animo’y big star na naging hot item matapos mag-dialogue na ‘history is like chismis.’
Chika ni Nay Lolit, mahusay si Ella dahil nagawa niyang pag-usapan.
Sa mga ‘di pa nakapanood ng TITimg, puwedeng maki-team replay sa digital platforms ng PSN.