Beaver magtalas, nakatrabaho ang French-American actor sa Star Wars

Lolit at Beaver.

Puring-puri ni ’Nay Lolit Solis ang teen actor na si Beaver Magtalas, isa sa mga bida ng pelikulang Genius Teens na mapapanood sa ktx.ph. “Ang maganda nga, I was telling his parents (Councilor Alvin at Filipina Magtalas) kanina, ang magandang ano kay Beaver, siya, gusto talaga niya showbiz. Hindi kagaya nu’ng panahon ni Gabby (Concepcion, dating alaga niya). ’Yung kay Gabby, ang may gusto lang tatay, eh. Talagang kung ano naiirita si Gabby na ipinapakilala mo sa mga reporter. Si Beaver, ini-enjoy niya,” dialogue ni ‘Nay Lolit habang kaharap si Beaver sa isang merienda cena para sa promo ng Genius Teens kamakailan.

“Nakikita ko talagang focused siya du’n sa career niya. Meron na siyang ano… ano siya, eh, magalang, mabait, ganyan lang. Tama na. Saka maganda katawan niya saka height niya.”

Payo pa ng showbiz veteran sa baguhang aktor-singer, ’wag siyang magpa-buff dahil mas bagay raw sa kabataan nito ngayon ang pagiging lean kesa muscle-muscle na parang call boy.

Siyempre, thankful si Beaver sa suportang tinatanggap, lalo pa nga at first film outing pa lamang niya ang Genius Teens na  may world premiere sa July 15 sa ktx.ph.

Kwento ni Beaver, na kasalukuyang nasa Star Hunt ng ABS-CBN, sumailalim siya sa tatlong araw na auditions bago nakuha ang karakter niyang si Hopper, isang teenager na may power na mag-teleport.

Out of 500 auditionees, siya raw ang napisil para sa nasabing role.

Medyo challenging daw ang naging audition dahil kinailangan niyang mag-adlib ng sariling mga linya.

Bago mag-audition sa nasabing pelikula, sumabak na rin si Beaver sa multiple workshops at vlogging.

Italyano ang direktor nilang si Paolo Bertola na kasal sa isang Pinay kaya nakakaintindi ng Tagalog. Ang isa naman sa cast members ay ang French-American actor-model na si Tommy Roca na naging parte na ng ilang sikat na Hollywood movies tulad ng Star Wars, Assassin’s Creed at maging ng local films gaya ng Cullon.

Taglish umano ang sci-fi-action movie, na originally ay isang six-episode series, at sinimulang kunan sa lugar nina Beaver sa Nueva Ecija bago pa nagpandemya.

Nag-resume lamang sila ng shooting kamakailan kaya medyo malayo na raw ang hitsura nila sa mga eksenang kinunan bago ang Covid-19 pandemic.

Bukod sa Genius Teens, abala na rin siya sa susunod na proyekto, ang drama movie na Tahanan ng mga Pangarap, kung saan makakasama naman niya si Deborah Sun para pa rin sa Utmost Creatives, producer ng Genius Teens.

Bukod sa acting, kumakanta rin ang teen actor.

Show comments