Ang ganda ng samahan ng pamilya nina Cong. Richard Gomez at Ormoc Mayor Lucy Torres-Gomez at ang nag-iisang anak nilang si Juliana.
Sa nakaraang oath-taking nila na ginanap sa Ormoc Super Dome nung nakaraang Martes, ang touching ng tagpo ng yumakap nang mahigpit si Cong. Goma kay Juliana na naluluha sa sobrang saya sa tagumpay ng kanyang magulang.
Kasama ni Juliana ang boyfriend niyang isang athlete rin na si Miggy Bautista.
Twenty years old si Miggy at nasa 3rd year na ng kursong BS Legal Management sa Ateneo de Manila.
Ang cool na nakikitang tanggap si Miggy ng buong pamilya ni Juliana.
Nagpaunlak si Miggy ng interview sa amin at naikuwento niya kung paano sila nagkakilala ni Juliana.
Nagpi-fencing din kasi Miggy at nag-training daw sila noon sa Ormoc kasama si Juliana.
Bilang taga-Ormoc, si Juliana ang nag-asikaso sa kanila. Inalok daw ni Juliana ang buong grupo ng tubig, pero tanging si Miggy lang tumanggi para maiba raw.
Nagkadebelopan sila, at halos na-stuck na si Miggy sa Ormoc dahil sa naging pandemic boyfriend na nga ito ni Juliana.
Ramdam daw ng binata na tanggap siya ng pamilya ni Juliana.
Very relaxed daw lang daw kasi nina Cong. Goma at Mayor Lucy. Hindi nga raw niya na-introduce sa Mommy at Daddy niya na boyfriend na niya si Miggy.
“It was just something my family knew. It was not something na a big moment,” kaswal na pahayag ni Juliana nang nakatsikahan din namin sa Piña Festival sa Ormoc.
Sabi naman ni Mayor Lucy, hindi raw isyu sa kanila ang pagkakaroon ng boyfriend ng kanilang unica hija.
“I don’t want to complicate something that’s very normal. It’s part of growing up. Kami ni Juliana…she knows the rules. Juliana is an easy child. Even before, she has never been…hindi siya ‘yung madrama. Hindi siya demanding.”
Sabi naman ni Cong. Goma, “Hindi ko na sila mapigilan, e. Ang layu-layo ng Ormoc, nakakapunta sila rito e. Since nandiyan na, sige. Basta nakikita mong nandiyan.”
Kaya sabi nga ni Miggy, hindi raw niya naramdamang mga kilalang celebrities ang magulang ni Juliana.
“They’re very welcoming people. I never felt like alienated it any way. I really do feel like I’m welcomed in their home. We spend a lot of time with them also,” nakangiting pahayag ni Miggy.
Related din si Miggy sa isang kilalang celebrity. Pamangkin pala si Miggy ni Dina Bonnevie dahil pinsan daw ito ng Mommy niya.
Kaya, Bonnevie ang middle name ni Miggy Bautista.
So, alam mo na Madam Salve?
Megan, may bilin kay Mikael
Nagsimula nang mag-taping ang Running Man Ph sa South Korea, pero wala silang maibigay na kuwento ng mga kaganapan doon dahil bawal daw. Basta ang saya raw at exciting ang ilang araw pa lang na nakunan doon.
Bago sila umalis nung nakaraang linggo patungong South Korea, nakatsikahan pa namin ang pitong participants via zoom media at excited silang lahat sa gagawin nila sa naturang comedy-reality show.
Halos dalawang buwan silang mawawala kaya tinanong namin kung ano ang suporta sa kanila ng kani-kanilang dyowa dito at kung gaano nila ito ka-miss.
“Mag-e-enjoy ako sa Korea. Alam ko naiinggit siya dahil baka makita ko ang BTS dito,” bulalas ni Mikael Daez.
Pero sa kanyang Instagram account, nag-post siyang malaking adjustment ito sa kanya dahil matagal-tagal daw niyang hindi makakasama ang kanyang “Bonnezy” tawag niya kay Megan Young.
“Nobody to make coffee for me, wala na akong ka-ragnarok and I don’t have my two favorite food items—Soba and Chia. However, I also stand by my prediction that there’s so much that both of us will learn from this separation.”
Baka maka-selfie pa raw niya sa daan ang BTS member na si Seok-jin.
Sinagot naman siya ni Megan sa post na ‘yun ng, “Fofo just make sure that it’s Kim Seokjin…Baka sa ibang Seokjin ka magpa-picture hehehe!”
Medyo adjusted naman daw ang mag-asawang Glaiza de Castro at David Rainey, dahil nasa Ireland naman daw ngayon ang kanyang asawa. “Nasa Ireland naman si David. So, parehas kaming magiging busy. ‘Yung suporta naman laging nandiyan. Kung ano man yung projects na ginagawa ko lagi naman nakasuporta si David,” saad ni Glaiza.
Obvious namang si Bianca Umali ang tinutukoy ni Ruru Madrid na ma-miss niya. Pero parang nasa lock-in taping lang naman daw ito kaya kailangan nilang magsakripisyo.
“Sa ganitong klaseng sitwasyon, siyempre maraming sakripisyo ‘yan. Lalo na’t parang panibagong lock-in na naman to. Tapos this time nasa ibang bansa ka pa. Pero kaya naman ‘yan as long as nagtitiwala kayo sa isa’t-isa.
“Alam mo kung paano i-handle ang maraming bagay. Siyempre, mami-miss n’yo ang isa’t-isa. Dapat alam n’yo na kung papaano n’yo gagawin diyan, at kung papaano ang pagiging solusyon,” sabi naman ni Ruru.