MANILA, Philippines — May ibinuking si Rufa Mae Quinto tungkol sa kanyang mga naging nakarelasyon na ikinagulat ng mga kasama niya sa "The Boobay and Tekla Show."
Sa isang segment ng naturang show, Linggo, naglaro ang aktres ng “Sasagutin o Kakainin” kung saan dapat niyang kainin ang anumang pagkaing nasa harap niya kung hindi niya sasagutin ang itatanong sa kanya.
Ang unang tanong na napunta kay Rufa: "Na-in-love na ba sa isang lalaki tapos nalaman mong lalaki din ang gusto?"
Sumagot naman ng "oo” ang aktres ngunit hindi niya pinangalanan kung sino ang nabanggit.
Aniya, maraming beses na raw ito nangyari sa kanya.
"Attracted ako sa bading," hirit ni Rufa.
"Kaya nga late ako nag-asawa," pagpapatuloy niya.
Kwento pa niya, dumating na sa punto noong “nalimutan” na niyang babae siya sa pag-aakalang pati siya’y magiging kaanib ng pederasyon.
"Sabi ko, 'Ay! Hindi pa ako nag-aasawa. [B]abae pala ako... kasi parang nakalimutan ko noon, akala ko bading na rin [a]ko," biro niya.
Nang tanungin ni Boobay kung paano niya nalaman na bading pala ang type nya: "Hindi ko nalaman. Umamin naman," tugon ni Rufa.
Sa ngayon, happy mother na ang aktres sa anak niyang si Alexandria Athena sa mister niyang Filipino-American na si Trevor Magallanes. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles